Panawagan ng grupo: K to 12 gawing optional sa private schools

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2019 08:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nananawagan ang isang grupo ng mga pribadong paaralan na gawing optional ang K to 12 program sa private schools habang inaayos pa ang mga gusot umano na kinakaharap ng programa.

Ibig sabihin gusto nilang ibalik sa 10 taong basic education curriculum (BEC) ang haba ng kailangang aralin ng isang bata bago tumungtong sa kolehiyo. 

Paliwanag ng grupong Federation of Associations Of Private School Administrators, ito para hindi sila magsara at para dumami ang bilang ng mga estudyanteng pumapasok sa mga pribadong paaralan. 

Ayon kay Eleazardo Kasilag, presidente ng FAPSA, mas madali para sa kanilang makabawi sa mga naging gastusing dala ng K to 12 kapag ginawa itong optional sa private schools.

"Enough na 'yong leeway na maibibigay sa amin, baka makuha pa namin ang mag bata na lumipat, magsibalikan. Dahil its going to be easier for us to finish it, and coming to them at less expense,” ani Kasilag. 

Tingin din ni Kasilag na makakapagpataas na sila ng sahod ng private school teachers kapag ibinalik sa BEC ang programa. 

"Ang teachers namin, considering na gaganda ang population namin at alam mo na ang budget will be coming in abundance also in a way, eh baka naman pwede namin suweldohan ng husto. 
Makakapag-taas na kami ng sahod," ani Kasilag. 

Base sa obserbasyon ng Basic Education and Culture Committee sa Kamara, tila hindi pa napapatupad ang pangako ng K to 12, batay sa mga score ng mga estudyante sa mga achievement test. 

"Nase sa mga datos na lumalabas na, may mga areas din po gaya ng National Achievement Test, di masyadong gumaganda ang mga scores. So ibig sabihin may mga dapat pang pag-aralan," ani Roman Romulo, chairman ng komite. 

Pero hati ang pananaw ng ilang magulang gaya nina Evelyn Ravelo at Erlene Luna sa panukala ng FAPSA. 

"Hindi po talaga siya fair kasi ang mga mahihirap nga dapat ang mag [BEC] sa mga public, yung mga may pera okay na silang mag k to 12," ani Ravelo. 

"Para sa akin naman kung alin ang makakabuti sa mga bata, ok dito," ani Luna.

Hindi naman pabor si Joseph Estrada, legal counsel ng National Alliance of Private Schools Philippines Inc (NAPSPHIL) sa panukala dahil makakasayang pa raw ito ng pera at panahon. 
 
"Hindi tayo kasi pwedeng bumalik doon. Tingin ko, maraming masasayang na resources at panahon. Magkakaroon ng adverse effect sa ating graduates," ani Estrada. 

Iginiit naman ni Annalyn Sevilla, tagapagsalita ng Department of Education na patuloy ang mga pagbabago sa K to 12 program para lalo itong mapalakas. 

Huwag din daw ito husgahan agad. 

"It’s still too early to judge our students or graduates kasi lumang technique, lumang pedagogy ang nakuha nila. Ang K to 12 curriculum na nakuha nila ay performance-based, technology-driven," ani Sevilla. 

Plano ng Kamara na pag-aralan ang k to 12 program. 

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.