Higit 70 robot lumahok sa 1st national robotics competition sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2019 12:38 AM

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

LAGUNA—Mga robot na naglalaro ng bowling, lumulusot sa obstacle course, at tila nagre-wrestling ang ilan sa lumahok sa first national robotics competition sa lungsod ng Santa Rosa.

Inilaban ng magkaibigang Juliana Agbulos at Julienne Hau ang robot nilang kayang makapagbuhat ng bagay.

"Mayroon po siyang line follow na sensor, then nakapag-remove ng barriers at hurdles," ani Agbulos.

Katuwang ang isang Filipino electronics manufacturing company, inorganisa ng Department of Education at Department of Science and Technology (DOST) ang aktibidad para mas mailapit sa robotics ang mga kabataan.

"[We are] showing the Filipinos na we have a good program and hindi tayo nahuhuli sa ibang bansa. We want the student not to be afraid of technology kasi we cannot stop it naman," ani Perry Ferrer, chairman at CEO ng EMS Group.

Para kay Engr. Enrico Paringit ng DOST, mahalaga na magkaroon ng training ang mga kabataan na nahihilig sa robotics.

"We are teaching them para mas ma-improve natin ang skills nila," aniya.

Ang magwawagi sa kompetisyon ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa isang robotics competition sa China sa Nobyembre 28.—Ulat ni Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.