Sobrang timbang, nakaaapekto sa sex life

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2017 04:19 PM

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambatang paksa ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.

Bukod sa mga problemang pangkalusugan, may epekto rin sa sexuality ang sobrang timbang o pagiging overweight o kaya'y obese, ayon sa isang doktor.

Ipinaliwanag ni Dr. Lulu Marquez sa kaniyang programang "Private Nights" sa DZMM ang ibig sabihin ng sexuality at kung paano ito naaapektuhan ng timbang.

"Sa isang indibidwal, ito [sexuality] 'yong sinasabing attitude regarding sex, sexual attitude, sexual behavior, at sexual practices," ani Marquez.

Aniya, ilang pag-aaral na ang nagsasabing mas nahihirapan sa pakikipagtalik ang mga labis ang timbang.

"Obese individuals, they have higher incidences of sexual difficulties," sabi ni Marquez. "'Yon pong may matataas na body mass index have an associated greater impairment in sexual quality of life."

Tinalakay rin ni Marquez kung ano ang pamantayan sa klasipikasyon ng overweight at obese.

Una'y kailangan munang malaman ang body mass index (BMI) ng indibidwal.

"The body mass index is equivalent to weight in kilograms divided by your height in meters squared," paliwanag ni Marquez.

Itinuturing na overweight ang BMI na 25-29 kilogram/square meter. Obese naman kung 30 kilogram/square meter ang BMI.

"If you are obese, marami pong problema. Aside from knowing that you might be diabetic, you might be hypertensive, you might have increased cholesterol or triglycerides... "yan 'yong medical conditions na ka-partner niya, you might have metabolic syndrome," ani Marquez.

"Kapag kayo po ay ganiyan, affected na po ang inyong sexuality. Meaning for men, ikaw ay may erectile dysfunction. Sa kababaihan naman, kung obese ka, ang sekswalidad mo ay affected ang iyong hormones. You will have hormonal imbalance, your testosterone will go down, your estrogen will go down, so problem po siya, libido mo bababa, then you will also have vaginal dryness just because you are obese," saad ni Marquez.

Bukod sa erectile dysfunction, nagkakaroon din ng suliranin sa ari ang ilang lalaking labis ang timbang.

"Ang 'buried penis syndrome', ibig sabihin sa sobrang fats, sobrang adipose fats, sa abdomen mo o sa iyong thighs, hindi po makita ang penis. So siya po ay nakalubog," paliwanag ni Marquez.

Nagiging problema rin para sa mga babae ang self-esteem kapag sobra ang timbang.

"Women generally have a higher rate of obesity, although men may have a higher rate of being overweight," paliwanag ni Marquez. 

"Kababaihan naman, ang problema nila body image, kapag di na nila nakikitang sexy sila sa salamin, nagkakaroon sila ng inferiority complex. Tendency niyan, wala silang desire, they don't like, and then they're not aroused, and well, they may not be orgasmic when they make love."

Kaya naman payo pa rin ni Marquez, mainam na magbawas ng timbang para na rin sa "healthy sex life".

Hangga't puwede, sapat na kanin lang ang kainin at iwasan na rin ang soda o softdrinks tuwing kakain.

Huwag ding kakalimutang mag-ehersisyo para maging fit ang pangangatawan.

Maaari ring ikonsulta sa doktor ang weight-loss program na akma para sa pasyente.

Ayon kasi kay Marquez, hindi lahat ng sobra ang timbang ay dahil sa labis na pagkain. Mayroon ding nagiging overweight o obese dahil sa ilang uri ng sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.