'ASAP TLC': Mag-'first love,' nagkabalikan matapos ang 11 taon

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2018 04:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ika nga nila, "First love never dies."

Gaano man katagal ang panahong nagkahiwalay at malawak man ang distansiyang namagitan kina Jeramie at Arvin Velarde, nauwi pa rin sila muli sa piling ng isa't isa.

Ibinahagi nina Jeramie at Arvin ang kanilang kuwentong pag-ibig sa segment na "TLC" ng programang "ASAP" nitong Linggo.

Taong 2006 nang magkakilala ang dalawa habang nag-aaral sa kolehiyo.

"Kinuha niya 'yong number ko and then every day na kaming magka-text. Tapos hinahatid niya ako sa kanto lang ng bahay namin kasi sobrang higpit ng papa ko," kuwento ni Jeramie.

Makalipas ang isang buwang panliligaw, sinagot ni Jeramie si Arvin. Sila raw ang unang nobyo at nobya ng isa't isa.

Pero dalawang buwan lang ang itinagal ng kanilang relasyon. "Dahil nga sa sobrang higpit ng papa ko," ani Jeramie.

Inamin naman ni Jeramie na hindi niya nalimutan si Arvin dahil nga ito ang una niyang nobyo.

Inabot ng 11 taon bago sila nagkaroon ulit ng ugnayan. Noong mga panahong ding iyon, nasa magkaibang bansa sila — si Jeramie ay nanatili sa Pilipinas habang si Arvin naman ay nasa Canada.

"Last year, January 3, 2017, nag-like ako ng several photos niya [sa social media] tapos bigla na lang siyang nag-message sa 'kin ng 'Kamusta?'" kuwento ni Arvin.

"'Yong kamustahan namin, nauwi sa araw-araw na magka-chat, araw-araw na video call," ani Jeramie.

Kalaunan ay nagkabalikan na ang dalawa.

"Naniniwala ako sa second chance, akala ko nga tatanda akong dalaga eh. Masaya ako, after 11 years, makakahanap din pala ako ng forever ko," ani Jeramie.

Marso nitong 2018 nang umuwi si Arvin sa Pilipinas at iyon din ang unang beses na nagkita sila ulit nang personal ni Jeramie.

"Ako talaga 'yong sumundo. Mixed emotion 'yong naramdaman ko kasi siyempre 11 years ko siyang 'di nakita, ngayon lang ulit," kuwento ni Jeramie.

Kinabukasan, habang nasa bahay ni Arvin, inalok na ng kasal ni Arvin si Jeramie.

Kinasal ang dalawa noong Abril.

Ayon kay Jeramie, hindi pa rin siya makapniwalang ang unang nobyo ang kaniyang mapapangasawa.

"Di ako makapaniwala na 'yong first boyfriend ko na two months lang 'yong tinagal ng relasyon namin, eh siya pala 'yong makakatuluyan ko, siya pala 'yong makakasama ko habambuhay," sabi ni Jeramie.

"Lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita. Kahit na ano'ng pagsubok na dumating sa 'tin eh alam kong kakayanin natin 'to," mensahe naman ni Arvin sa misis.

Handog nina Liezel Garcia at Erik Santos ang kantang "Reunited" ng Peaches and Herb para sa mag-asawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.