Pagmamahal sa wika, inspirasyon ng nanalong ‘ulirang guro’ mula sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2019 12:01 AM

Lubos ang pasasalamat ni Dr. Maria Eliza Lopez sa parangal na iginawad sa kaniya ng Komisyon sa Wikang Filipino, bilang "Ulirang Guro sa Filipino" ngayong taon. Kuha ni Marvin Agustin

ILOCOS NORTE – Pinarangalan ang isang guro mula sa lalawigang ito bilang isa sa mga "Pambansang Ulirang Guro sa Filipino 2019."

Lubos ang pasasalamat ni Dr. Maria Eliza Lopez sa parangal na iginawad sa kaniya ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Ibinibigay ang pangaral sa mga natatanging guro na may malaking ambag sa pagtuturo at pagpapaunlad ng wikang Filipino.

“Sobrang napakasaya ko ngayon na hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala basta sinasabi ko, 'Grabe, grabe, wow,' " ani Lopez.

Mula sa 139 na nominadong guro mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, 7 lamang ang napili at naparangalan.

“Masasabi ko na talagang passion ko na magturo. Ang pagtuturo kasi ay isang bokasyon. Ginusto ko talaga magturo sa Filipino siguro sa pagmamahal ko sa wika," ani Lopez.

Bukod sa husay ni Lopez sa pagtuturo gamit ang wika, maging sa katutubong wika na Iluko, kinilala rin siya dahil sa kahanga-hangang ambag bilang akda, consultant, at editor ng mahigit 20 textbook na ginagamit bilang batayan sa pagtuturo ng Filipino sa elementarya hanggang kolehiyo.

May mga pananaliksik na nagawa at nailathala rin si Lopez tungkol sa wika at kulturang Pinoy at mga Ilokano.

Naging batayan din ang kaniyang aktibong pangunguna at pakikiisa sa mga lokal at pandaigdigang pagsasanay.

Higit dalawang dekada na guro sa asignaturang Filipino si Lopez at isa siya ngayong Filipino teacher sa College of Teacher Education ng Mariano Marcos State University.

Hepe rin si Lopez ng Sentro ng Wika at Kultura sa nasabing unibersidad.

Inspirasyon din siya ng kaniyang mga kapwa guro at estudyante.

“She is really devoted in developing students’ ability in the language," ani Jhanese Asuncion, student affairs coordinator ng MMSU-CTE.

Dagdag ni Romeo Ballon, estudyante: “Inspirasyon siya bilang magiging guro sa darating na henerasyon," 

Para kay Lopez, ang parangal na ito ay isang hamon at inspirasyon
sa higit pang pagpapayaman ng hindi lamang ng wikang Filipino at mga katutubong wika, kundi maging ang tradisyon at kultura ng mga Pilipino.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.