VIRAL: Suporta ng ama sa anak na PWD na kumuha ng licensure exam para maging guro

Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2019 03:03 PM

Nag-viral sa social media ang mga retrato ng isang ama habang hinihintay ang kaniyang naka-wheelchair na anak sa pagkuha nito ng licensure examination for teachers. Retrato mula kay Sheila Mae Glor

Ipinakita ng isang ama ang kaniyang walang sawang suporta at pagmamahal para sa anak na may kapansanan sa pamamagitan ng paghihintay niya rito sa pagkuha ng licensure examination for teachers (LET) kamakailan.

Sa isang Facebook post, ikinuwento ni Sheila Mae Glor ang kaniyang pakikipag-usap kay Pedro "Pepe" Garin, 73, na sinamahan ang kaniyang 49 anyos na anak sa pagkuha nito ng pagsusulit sa isang paaralan sa Lucena, Quezon noong Linggo.

 

Halos 12 oras naghintay si Pepe sa labas ng silid-aralan, kung saan kumuha ng LET ang naka-wheelchair na anak na si Edwin Garin, na nakasabay ni Glor sa pagsusulit.

"Pagkatapos ng unang subject, nakita ko na siya na nasa tapat ng classroom. Nakaupo at naghihintay. Nginingitian niya ang bawat dumadaan. Sa isip ko, napaka-supportive naman ni tatay," kuwento ni Glor sa post.

Matapos kumuha ng pagsusulit, saglit na nakausap ni Glor si Garin at ipinagmalaki nito ang pagkuha ni Edwin ng LET.

"Nage-exam sa loob ang anak ko eh," sabi raw ni Garin kay Glor, base sa post.

Ayon pa raw kay Pepe, simula noong first year ang anak ay hatid-sundo niya na raw ito.

"Mula first year 'yan hatid sundo ko na 'yan. Hanggang ngayon na board niya," sabi ni Garin, ayon kay Glor.

Nagmula sa bayan ng Atimonan, Quezon ang mag-ama, ayon kay Glor.

"Gusto kong maiyak. Dama ko 'yong sakripisyo ni tatay at ng lahat ng mga magulang para sa mga anak nila. 'Yong kaya nilang gawin ang lahat nang walang pagkapagod o pagkainip," ani Glor.

Umani na ng higit 107,000 reactions at 34,000 shares ang Facebook post ni Glor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.