World Animal Day, maagang ipinagdiwang sa Malabon Zoo

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2018 02:12 PM | Updated as of Sep 30 2018 07:58 PM

Pagbasbas sa mga alagang hayop at pamamahagi ng mga libreng bakuna kontra rabies ang ilan sa mga tampok sa maagang pagdiriwang ng World Animal Day sa Malabon Zoo.

Naunang ipagdiwang nitong Linggo ng Malabon Zoo ang World Animal Day, na ginugunita tuwing Oktubre 4 at layong ibida ang mga karapatan at kapakanan ng mga hayop.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hinimok ni Manny Tangco, tagapagtatag ng Malabon Zoo na nanguna sa okasyon, ang publiko na resputuhin ang at magkaroon ng pag-aaruga para sa mga hayop.

Dapat daw ipreserba ang mga hayop para sa mga susunod na henerasyon.

Hinikayat din niya ang mga kabataan na manaliksik ukol sa mga hayop upang maalagaan umano ang mga ito nang maayos.

Kabilang sa mga hayop ng Malabon Zoo na ibinida ni Tangco ang orangutan na si Pacquiao, ang albino Burmese python na si Cheesecake at ang dalawang taong gulang na Bengal tiger na pinangalanang Duterte.

May mga alagang hayop din ang tumungo sa zoo at nakiisa sa pagdiriwang.

Pinagunahan ni Rev. Fr. Jeyaseelan Maria Michael ang pagsaboy ng holy water sa mga hayop.

Namigay din ng libreng pagkain at bakuna kontra rabies para sa mga asong nakiisa sa pagdiriwang.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.