VIRAL: Bagong doktor, nagbigay pugay sa inang nagtitinda ng isda sa palengke

John Gabriel Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2019 07:39 PM | Updated as of Sep 27 2019 08:46 PM

 

MANILA - Walang hanggang pasasalamat sa lahat ng hirap.

'Yan ang nakaaantig na mensahe ni Dr. John Nico Ronquillo para sa kaniyang ina, na nag-iisang nagtaguyod sa kaniya, at hinarap ang hamon ng buhay mapatapos lamang siya ng pag-aaral.

Kwento ni Ronquillo, pinalaki siya ng kanyang ina na si Nenita na nagtitinda ng isda sa isang palengke sa Cavite City, kung saan siya lumaki.

Kahit kaunti umano ang kinikita ng kanyang ina, hindi ito naging hadlang para matupad ang kaniyang pangarap na maging doktor.

"Sa tatlompu’t isang taon, hindi niya ako iniwan, hindi niya ako binitawan, lahat kinaya ni Mama para sa akin. Siya ang inspirasyon ko, siya yung malaking bahagi na humubog sa pagkatao ko, siya 'yung nagsilbing sandigan ko sa lahat ng oras. Siya yung naging gabay ko," ani Ronquillo sa post sa Facebook, na ngayon ay viral na.

Dagdag nito, hindi na kailangan maghirap pa ang ina sa pagtatrabaho.

"Ma, ako naman po Ang bahala sa inyo. Ako na po ang magtataguyod sa iyo, Ako na po ang magsisilbi sayo, ako na po ang mag-aalaga sa inyo, ako na po ang magbibigay katuparan sa lahat ng pangarap mo para sa atin," aniya.

"Hindi mo po na kailangang mangutang, Hindi na rin masusugatan Ang mga kamay mo, Ma, Hindi na mawawala Ang mga ngiti sa labi mo," dagdag nito.

PATUNGO SA PANGARAP

Kwento ni Ronquillo, bago siya nakapag-aral ng medisina, nagtrabaho muna siya para sa isang review center para matustusan ang kanyang pag-aaral. Nagtrabaho rin siya bilang mang-aawit sa isang restawran at rumaket sa potograpiya para makaipon.

Kahit naantala, nakapag-aral din ng medisina si Nico sa Far Eastern University - Nicanor Reyes Medical Foundation. Dito na nagsimula ang pagkamit ng kanyang pangarap.

Ngunit, hindi pa tapos ang mga hadlang sa pagiging doktor ni Nico. Nagkasakit ang kanyang lola, na nag-alaga sa kanya nung bata siya habang naghahanapbuhay ang kanyang ina.

"Kinailanagan niya ng maraming treatment at gamutan. Dahil ako ang nagiisang nasa medical field sa pamilya, lahat ng desisyon ukol sa kanya ay sa akin isinasangguni," ani Ronquillo.

Masakit man, nag-desisyon siya na tumigil muna sa pag-aaral. Pero, sa kasawiang palad, namatay ang kanyang lola.

Nagtrabaho ulit si Nico bago bumalik sa pagaaral ng medisina, para makapag-ipon ng pangbayad sa medicine school. Nakabalik siya pero may hadlang ulit.

"Nalagpasan ko ang third year first semester ngunit hindi ko na nagawang makapagpatuloy para sa susunod na semester dahil sa kakulangan ng resources," ani Ronquillo.

"Humingi ako ng tulong sa aking paaralan, sa mga pulitiko, at sa mga kakilala dahil nanghihinayang ako sa lahat ng pinaghirapan ko," aniya.

Pinayagan si Nico na makapagenroll muli kahit kulang pa ang kanyang pangbayad.

"Dito ko naisipan na magtinda ng snacks sa school. Namimili ako ng mga snacks sa Divisoria at nirerepack ko kasama ng aking nanay. Ibinabyahe ko iyon mula Cavite hanggang Fairview upang makadagdag sa aking pambayad," aniya.

Ang kanyang mga guro at kamag-aral ay tumulong at sumuporta sa kanyang pagnanais na makapagtapos ng pag-aaral.

Bagama't lahat na ay ginawa niya, kulang pa din ito para matustusan ang kanyang pag-aaral.

"Nagsimula na po ako manghina at mawalan ng pag-asa. Muli po akong nagtanong, saan ako kukuha ng ganitong halaga? Paano na ang pangarap ko? Paano na ang nanay ko?" kwento niya sa isang Facebook post.

Sa huling araw ng enrollment niya na malapit na siyang grumaduate, nagdasal si Nico at naglakas ng loob pumunta sa paaralan para magenroll kahit kaunti lang ang kanyang dinalang pangbayad.

Sa awa ng Diyos, siya ay pinayagan. At simula doon, guminhawa na ng kaunti ang buhay ni Nico at ang kanyang ina.

Ngayon na doktor na siya at nagpaplano magpakadalubhasa sa surgery, gusto na niya ilipat ang mabigat na kargada ni Nenita at ilagay sa kanyang balikat para guminhawa na ang buhay ng ina, na nagmahal at hindi natinag para itaguyod siya.

"Sobrang pasasalamat lang po ang gusto ko iparating sa kanya. Dahil para sa kanya naman po lahat ng ito. Yung tagumpay ko po ay tagumpay niya," sabi ni Ronquillo sa ABS-CBN News.

"Gagawin ko po lahat para sa kaniya."