Problema ng magkasintahan, dapat bang ilantad sa social media?

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2018 05:08 PM | Updated as of Sep 19 2018 05:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi maiiwasan na nagkakaroon ng pagtatalo ang ilang mag-asawa at magkasintahan.

Dala ng emosyon, may ilang nagagawang isiwalat sa social media ang kanilang personal na problema sa asawa o kasintahan. 

Pero tama nga bang ilantad ng mga magkasintahan ang kanilang problema sa Facbeook, Twitter, at iba pa? 

Ayon sa isang marriage expert, hindi dapat ibino-broadcast sa social media ang problema ng magkasintahan kung gusto ng solusyon sa kanilang isyu. 

“Kung gusto mo magkaroon ng solusyon 'yung issue dapat kayo 'yung nag-uusap hindi ‘yung pinapaalam mo sa lahat,” ani Aileen Santos sa “Sakto” ng DZMM nitong Miyerkoles. 

Baka lalo raw kasi lumaki ang problema ng magkasintahan kung isasapubliko ito sa social media. 

Kaya payo ni Santos, dapat personal na makipag-usap muna ang magkasintahan para masinsinang masolusyonan ang problema. 

Pero kung hindi na matiis at hindi pa rin ito nasolusyunan, dapat sa piling tao lamang ito ikuwento, tulad ng pamilya o matalik na kaibigan. 

“May trusted ka dapat na sasabihan. Eh kung ngayon malayo 'yung friend mo, puwedeng sa messenger ganoon, i-PM (private message) na lang,” aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.