ALAMIN: Ilang sanhi ng cerebral palsy

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2019 04:15 PM | Updated as of Sep 16 2019 04:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Habang lumalaki, napuna ng mga magulang ni Dennis Ilagan ang kahinaan nito sa motor skills o kakayahang gumalaw.

"Nakita ng mother ko na hindi normal 'yong paglaki ko as a baby. Hindi po ako nakakalakad, hindi po ako nakakagapang, hindi ako nakakain mag-isa," kuwento ni Ilagan sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

Hindi matukoy noong una ang kondisyon ni Ilagan hanggang sa inirekomenda sila sa isang clinic at na-diagnose umano siyang may cerebral palsy.

Noong ipinangak si Ilagan, 3 buwan umano siyang inilagay sa incubator dahil sa 2 kondisyon: ang pagiging premature, o pagkakapanganak nang mas maaga sa due date, at pagiging blue baby o iyong pagkukulay asul ng balat bunsod ng kondisyon sa puso.

Ayon sa rehabilitation medicine specialist na si Dr. Mark Homer Tiangco, "directly related" ng pagiging blue baby ni Ilagan ang pagkakaroon niya ng cerebral palsy.

"Kapag blue baby ka, hindi lang naman heart mo 'yong may problem. Usually kapag nababawasan 'yong oxygen mo sa brain, naapektuhan 'yong function ng brain," ani Tiangco.

Ang cerebral palsy ay bunsod ng problema sa utak na nakakaapekto sa kakayahan ng isang taong gumalaw, ani Tiangco.

"Dahil may problema siya sa utak, 'yong motor movement niya o iyong paggalaw, 'yan ang naapektuhan," paliwanag ni Tiangco.

"Usually nahihirapan sila gumalaw o matigas 'yong mga muscle nila," dagdag ng doktor.

Pero nilinaw ni Tiangco na hindi lahat ng blue baby at ipinanganak na premature ay nagkakaroon ng cerebral palsy.

Lumalabas daw ang mga sintomas ng cerebral palsy sa pagkabata at minsan ay nakikita na raw ito kahit hindi pa pinapanganak ang bata.

"Minsan dahil sa nutrition ng nanay, minsan dahil may mga nainom na gamot na nakaapekto sa nutrition ng bata habang pinapanganak siya," ani Tiangco.

Ipinayo ni Tiangco ang regular na pagpapa-check up ng mga buntis para makita at maagapan ang pagkakaroon ng cerebral palsy.

Hanggang edad na 7 ay maaaring lumabas ang mga sintomas ng cerebral palsy sa mga bata.

Ayon kay Tiangco, kapag nagkaroon ng cerebral palsy ang bata ay "hindi na siya gumagrabe."

Bukod sa mga sanhi na may kinalaman sa panganganak ng bata, puwede ring maging sanhi ang stroke sa mga bata o kapag sila ay nagkaproblema sa daluyan ng dugo papunta sa utak, ani Tiangco.

Mahalaga ring maiwasang mabagok ang ulo ng bata dahil maaari nitong maapektuhan ang utak.

"Kasi hindi pa masyadong developed 'yong bones ng bata sa brain, sa skull," ani Tiangco.

Ayon naman kay Rizalio Sanchez, communications chief ng National Council on Disability Affairs, mahirap kuhanin ang eksaktong datos kung ilang tao sa bansa ang may cerebral palsy.

Marami raw may naturang kondisyon sa rural areas pero tinatago ito.

"Ang dami sa mga rural area, tinatago ang mga may cerebral palsy. Bakit? Kasi hindi nila alam kung ano ang gagawin sa mga anak nila," paliwanag ni Sanchez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.