'ASAP TLC': Dating magkaribal sa pag-aaral, nauwi sa pagiging magkarelasyon

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2018 04:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inabot ng higit isang dekada bago muling magtagpo ang mga landas nina Marck Magpantay at Kat Malabag, dating magkaribal sa pag-aaral. Pero ang muling pagkikita nilang iyon ay nauwi naman sa matamis na pag-iibigan.

Itinampok nitong Linggo sa segment na "TLC" ng programang "ASAP" ang kuwento ng magkasintahang sina Magpantay at Malabag.

Kuwento ni Malabag, noong nasa elementarya sila ay madalas silang magtunggali ni Magpantay para sa pinakamataas na ranggo sa klase.

"Lagi kaming magkalaban sa top of the class. Ako lagi 'yong best in science, siya naman 'yong best in math," ani Malabag.

"Lagi kaming nagko-compare ng grades. Siyempre top one siya, top two naman ako," kuwento naman ni Magpantay.

Umabot pa sa puntong binato ni Malabag kay Magpantay ang file case nito noong nasa ikalimang baitang sila dahil umano sa pangungulit ng lalaki.

"Nagpapansin kasi 'yan kasi ngayon alam ko na kung bakit, kasi crush pala niya ako [simula] noong grade one," ani Malabag.

Sa huli, si Malabag ang nagwagi bilang valedictorian nang magtapos sila ng elementarya.

Pero matapos ang elementarya, hindi na nagkita ang dalawa dahil sa magkaibang paaralan na sila nag-high school at kolehiyo.

Lumipas ang 11 taon bago sila ulit nagkita sa isang batch reunion, kung saan sinimulan nang magpakita ni Magpantay ng interes sa dating karibal.

Subalit noong mga panahong iyon ay may ibang nobyo si Malabag.

"Lumapit na ako sa kaniya at doon na kami nakapagkamustahan," ani Magpantay.

"Hiningi niya 'yong number ko eh may boyfriend ako noon," ani Malabag.

Nang maghiwalay si Malabag at ang dating nobyo, kinuha iyon ni Magpantay bilang pagkakataon upang makuha ang puso ng babae. Sa katunayan, nagpaalam pa ito sa ate ng babae para makapanligaw.

Hunyo 2018 nang maging pormal na magkarelasyon ang dalawa.

"Ikaw ang best boyfriend ever. Thank you kasi dumating ka," mensahe ni Malabag kay Magpantay.

"Ikaw 'yong best girlfriend ever kasi lagi ka lang nandiyan [para] sa'kin," tugon naman ng lalaki.

Inihandog nina Daryl Ong at Kyla para sa dalawa ang kantang "Sa Kanya," na pinasikat ni Ogie Alcasid.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.