Pagtanggal ng Filipino, panitikan sa kolehiyo, pinangangambahan

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2017 12:50 AM

Pinangangambahan ng grupong Tanggol Wika ang tuluyang pagtanggal sa mga asignaturang Filipino at panitikan sa kolehiyo. Ito ay matapos maghain ng apela ngayong Agosto, Buwan ng Wika, ang Office of the Solicitor General na tanggalin ng Korte Suprema ang temporary restraining order na nagpapanatili sa mga asignaturang ito.

Noong taong 2015, pinagbigyan ng Korte Suprema ang grupo ng mga guro sa kanilang apela na huwag ituloy ang nais ng Commission on Higher Education na pagtanggal sa Filipino at panitikan sa kolehiyo.

Naglabas ng TRO ang Korte Suprema para mapanatili ang Filipino at panitikan sa general curriculum sa kolehiyo kasama ang iba pang asignatura gaya ng math, science, technology, at Philippine history.

Nakatuon ang Filipino sa tamang paggamit ng wikang Filipino, habang ang panitikan ay nakatuon naman sa pagbabasa at literatura.

Ayon sa grupong Tanggol Wika, isang grupo ng mga guro sa Filipino, higit 10,000 guro sa buong bansa ang maaapektuhan kapag nawala ang Filipino at panitikan sa kolehiyo.

Ang isa sa mga guro sa Filipino na si Nelson Ramirez ay hindi na nakapagtuturo ng asignaturang iyon sa kolehiyo kahit pa may TRO dahil wala masyadong enrollees sa pinagturuan niyang unibersidad dulot ng K to 12.

Nabawasan din umano ng P15,000 hanggang P20,000 ang kanyang sahod, at nawalan din umano sila ng mga insentibo tuwing Enero.

Nangangamba naman ang mga guro dahil nagbigay ngayong Buwan ng Wika ang Office of the Solicitor General ng komento na sumasang-ayon sa tuluyang pagtanggal ng asignaturang Filipino at panitikan sa kolehiyo.

"Kabilang ito sa paghubog ng pagkakaroon ng malayang pag-iisip na may pagmamahal sa bayan," ayon kay Dr. David Michael San Juan ng Tanggol Wika.

Ayon kay Solicitor General Jose Calida, tama lang na tanggalin bilang college subjects ang Filipino at panitikan dahil kabilang na ang mga ito sa K to 12 Basic Education Curriculum.

May kapangyarihan din umano ang CHED na magdesisyon kung ano-anong subjects ang mapapabilang sa general curriculum.

Para naman sa ilang estudyante, mahalaga pa rin ang mga asignaturang ito.

"Kung mahalaga sa mga estudyante ang Math, Science, English, Filipino pa kaya?" ayon sa mag-aaral na si Ace Cruz.

"Ang mga subject na ito ang huhubog sa amin na maging global citizen, maging proud na Filipinos," para naman sa estudyanteng si Hillary Ledesma.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.