ALAMIN: Mahabang dila sanhi ng paghilik?

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2019 06:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sagabal sa pahinga kung ituring ang paghilik, hindi lamang sa taong gumagawa nito kundi pati na rin sa mga kasama niya. 

Pero ano nga ba ang dahilan kung bakit humihilik ang ilang tao?

Ayon sa pulmonologist na si Dr. Patrick Moral, maaaring masikip ang daanan ng hininga ng isang tao kaya bumabara ang hanging lumalabas dito tuwing tulog.

"Pag humihilik ka, ibig sabihin sumisikip ang [daluyan] ng hangin mo kaya nag-iingay. So hindi normal ang paghihilik," ani Moral sa "Good Vibes" ng programang DZMM. 

May kinalaman din aniya ang pisikal na katangian ng isang tao, gaya ng pagiging overweight, o kaya kapag masyadong mahaba ang dila nito. 

"Ang ibig sabihin noon, malaki ang dila mo masyasdo o ang panga mo masyadong maliit. Pag nilabas mo ang dila mo tapos makikita 'yung korte ng ngipin mo sa gilid, karaniwang ibig sabihin noon medyo mahaba 'yung dila," sabi ni Moral. 

"Pag mas malaki ang timbang mo, mas malaki ang chance na magba-bar ang hangin mo kasi maraming taba na nakapalibot sa leeg mo. So kung mahiga lalong magbabara to sa'yo," dagdag ng doktor. 

Ayon aniya sa pag-aaral, mas malaki rin ang tsansang magkaroon ng hypertension ang mga taong humihilik. 

Sa paghilik, maaari ring magkaroon ng sleep apnea o paghinto ng paghinga habang ito ay natutulog.

Dito aniya naaapektuhan ang kalidad ng tulog ng isang tao. 

Ayon kay Moral, dapat patingnan sa doktor ang sobrang paghihilik, lalo na kung humantong ito sa sleep apnea na maaari pang magdulot ng mga komplikasyaon kapag hindi natugunan. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.