Paano paghahandaan ang pagreretiro?

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 03:18 PM | Updated as of Aug 24 2017 12:35 PM

Mahalagang maagang paghandaan ang pagreretiro, ayon sa financial at investment expert na si Armand Bengco sa kanyang panayam sa programang 'Sakto' ng DZMM.

Aniya, mainam na isipin agad ang pag-iimpok sa unang araw pa lamang ng pagtatrabaho. 

"Lalo na [ang] mga kabataan ngayon, mag-uumpisang magtrabaho, 20, 21, 22. E 'yong retirement, hindi naman kailangan at age 65 lagi 'yong mandatory age of retirement. Puwedeng mag-retire at age of 40, 45, or 50. Kaya sa unang araw pa lang ng pagtatrabaho, dapat iniisip na 'yong huling araw na siya ay magtatrabaho," paliwanag ni Bengco.

Mayroon umanong nagiging tatlong hadlang sa paghahanda para sa retirement: ang inflation, procrastination, at kaugalian sa paggasta. 

Dahil sa 'inflation' o tumataas na presyo ng bilihin, nahihirapang mag-impok ang tao. Nagiging sanhi naman ito ng 'procrastination' o pagpapaliban sa pag-iipon.

May ugali umano ang mga Pilipino tulad ng "mañana habit" kaya naipagpapaliban ang paghahanda sa retirement at pag-iipon. 

Dagdag pa niya, iniisip din ng iba na saka na mag-iipon kapag nagkaroon na ng pagtaas sa suweldo, kapag na-promote, o di kaya’y kapag nakalipat na sa magandang trabaho.


Upang maagapan ang kawalan ng maiimpok sa pagreretiro, dapat suriin ang klase ng pamumuhay at kaugalian sa paggasta.

Kadalasan din umanong mahilig gumasta ang mga Pilipino nang higit sa kinikita, o mahilig bumili ng mga bagay na hindi naman kailangan, kaya mabuting gumastos sa loob lamang ng budget, ayon sa host ng programa na si Marc Logan.

"Kailangan 'yong medyo nahuli magplano, kailangan niya talagang suriin, i-adjust ang kanyang lifestyle. Kapag ikaw ay retirado na, dapat tanggapin mo na hangga't maaari, kalahati lang siguro ang magiging halaga ng klase ng iyong pamumuhay or lifestyle. Kasi hindi ka na nakapaghanda o maikli na lang 'yong panahon sa paghahanda," ayon kay Bengco.

Mayroon din naman aniyang mga pagkukuhanan ng mga retirement fund, gaya ng SSS, GSIS at Pag-IBIG Fund.

Para sa mga empleyado ng pamahalaan, mayroon aniyang GSIS (Government Service Insurance System), at para sa mga nagtatrabaho sa pribadong kompanya, mayroong SSS (Social Security System).

Dagdag pa niya, lahat ng Pilipinong nagtatrabaho ay kailangang kumuha ng Pag-IBIG Fund contribution (Pagtutulungan sa Kinabukasan: Ikaw, Bangko, Industria at Gobyerno).

Kapag ang miyembro ay nagretiro, mayroon siyang makukuha sa ihinulog niya sa Pag-IBIG Fund. Aniya, tatlong beses ng kabuuang hulog ang maaaring makuha ng isang miyembro.

Pagdating naman sa retirement package, ayon sa batas, ang pinakamababang halaga ng retirement package ay "one-half per month salary for every year of service," ani Bengco.

Insurance at investments

Ayon kay Bengco, maganda na raw ang inaalok ng mga insurance company ngayon. Aniya, puwede nang magkaroon ng insurance at investment sa iisang kompanya.

"Napakaganda na ng mga insurance ngayon dahil may insurance na kapag namatay ka, may parte ng insurance na mapupunta sa iyong beneficiary o iyong mga umaasa sa kakayanan mong kumita. Mayroon nang insurance, mayroon pang investment, at may pagkakataong lumago 'yong pera mo," paliwanag ni Bengco.

Maganda rin aniya na dapat na hindi lang sa iisang insurance company na maglagak ng pera kung di maging sa iba't ibang investment companies.

Pagkakategorya sa mga pinag-iipunan

Ibinahagi naman ng isang eksperto kay DJ Chacha, isa pang host ng programa, na dapat ay hindi lamang sa iisang alkansiya inilalagay ang pondo para sa iba't ibang uri ng pangangailangan. 

Ang suhestiyon nito, dapat daw ay ilagay ang naiimpok na pera sa iba't ibang alkansiya at lagyan ito ng label— kung ito ba'y para sa pag-aaral, paglalakbay, pondo kung magkasakit, at marami pang iba.

Paalala ni Logan, kahit gaano man kahirap ang buhay, kung may naiimpok naman kahit paunti-unti, gaya ng sampu-sampung pisong naitatabi, ay malayo na ang mararating nito.

"Wala pong kasiguraduhan ang buhay kaya tayo nagpaplano lalo na sa ating pagreretiro, 'yong pagreretiro po hindi kailangang 60 years old, 'yong mga bata ngayon puwede magplano, mag-retire at age of 40 or 50. Sabi ng mga namimilosopo, 'ayoko magplano kasi baka hindi naman mangyari 'yong pinaplano' pero kapag iyon po ay nabigong magplano, nagpaplano po kayong mabigo.”

"Mas mabuti na po'ng magplano," panghuling payo ni Bengco.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.