ALAMIN: Mga komplikasyon sa mata dulot ng diyabetes

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2019 03:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinayuhan ng isang doktor ang mga taong may diyabetes na regular na ipatingin ang kanilang mga mata para maiwasan ang mga pinsalang dulot ng sakit.

"If you have diabetes, you are diagnosed to have diabetes, have your eyes checked," sabi ng ophthalmologist na si Dr. John Paul Pang sa programang "Sakto" ng DZMM.

Tinatawag na diabetic retinopathy ang mga komplikasyon ng diyabetes sa mata. Bunsod umano ito ng pinsala sa mga ugat sa mata at sa retina o inla.

Ayon kay Pang, nakabatay kung gaano kadalas ang pagbisita ng pasyente sa doktor sa kung gaano kalala ang diyabetes o diabetic retinopathy.

"Once you have diabetes, you have to be seen [by a doctor] every year," ani Pang.

"'Pag you have more severe forms of diabetic retinopathy, mas madalas ang check-up... Kapag you're in an advanced stage, it can be almost monthly or every 2 months, depende if you're having treatment," anang doktor.

Lahat daw ng mga taong may diyabetes ay nanganganib na magkaroon ng diabetic retinopathy lalo ang mga bata at iyong mga hindi kontrolado ang kanilang blood sugar.

WALANG SINTOMAS

Ayon kay Pang, walang sintomas ang diabetic retinopathy at mapapansin na lamang ng pasyente na nagkakaproblema na ito sa paningin.

"Wala kayong mapapansin, alam niyo lang may diabetes kayo but your vision, as far as your vision is concerned, everything is okay. Then eventually when it's too late, doon na lang napapansin iyong problem sa mata," ani Pang.

Makararanas daw ang pasyente ng "floaters" o parang may lumulutang na black spots sa paningin, at "fluctuating vision" o paglinaw at paglabo ng paningin.

Kapag malala na ang diabetic retinopathy ay maaari pa raw itong mauwi sa tuluyang pagkabulag.

MGA URI

May dalawang uri ng diabetic retinopathy, ayon kay Pang.

Una raw dito ang early diabetic retinopathy kung saan nagkakaroon ng pagdurugo sa mga ugat sa loob ng mata na hindi agad napapansin.

Sa advanced diabetic retinopathy, kakalat na umano ang dugo sa loob ng mata. Puwede na raw itong mauwi sa mga sakit gaya ng glaucoma o pagkabulag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.