Pakikipagtalik sa taong may cervical cancer, maaari ba?

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2017 06:30 PM

Isa ang cervical cancer sa mga sakit na dulot ng virus na maaring makuha ng babae sa pakikipagtalik. Sakaling magkaroon nito, maaari pa bang magtalik sina mister at misis?

Sa programang 'Good Vibes' sa DZMM, ipinaliwanag ng gynecologist na si Ma. Cristina Pelaez-Crisologo na 99 porsiyento ng cervical cancer ay mula sa human papillomavirus (HPV) na maaaring makuha sa pamamagitan ng pagtatalik o mga 'maseselang activities.'

Sa kabila nito, hindi naman aniya tuluyang ipinagbabawal na magtalik ang mag-asawa kung may cervical cancer ang babae.
 
Ngunit nagbabala rin ang doktor na maaaring maging masakit ito para sa babae, at maaaring magdugo siya pagkatapos makipagtalik. Isa ang pagdurugo sa mga sintomas ng cervical cancer.

“Puwede naman basta ginagamot na ang cervical cancer kasi ‘yong cervical cancer, dumudugo e. So kung may usual na pagtatalik po, puwedeng makakasama ‘yon dahil duduguin po ‘yong misis niyo,” ani Pelaez-Crisologo.

Payo niya, pag-usapan ito ng mag-asawa. Ipinaalala rin ni Pelaez- Crisologo ang paggamit ng condom bilang proteksiyon mula sa mga sexually transmitted diseases. 

Dagdag pa niya, mayroon ding ibang paraan upang maipakita ang pagmamahal sa isa’t isa nang hindi nagtatalik.

“May ibang ways of intimacy naman, puwedeng pag-usapan nila muna ‘yon sa umpisa at kapag gumagaling na siya, saka na puwedeng i-resume ang usual sexual activity. Pero puwede pa [kahit may cervical cancer].”

Sakali namang magdalang-tao si misis habang may cervical cancer, hindi nila aniya ipinapayo ang normal delivery dahil maaaring maipasa ang virus sa bata.

“Kung nagbubuntis siya habang may cervical cancer, hindi namin pinapa-normal [delivery] kasi puwedeng magkaroon ng HPV kung i-normal delivery.”

Samantala, bukod sa pagdurugo tuwing makikipagtalik, maaari ring maranasan ng mga may cervical cancer ang sakit tuwing iihi o dudumi, mabahong inilalabas na likido mula sa ari, at pagdurugo na hindi kasabay ng buwanang dalaw.

Upang maiwasan ang pagkakaroon ng cervical cancer, ipinapayo ni Pelaez-Crisologo na magpatingin sa doctor at magpabakuna kontra cervical cancer. 

Aniya, mahalagang sumailalim sa pap smear sa loob ng tatlong taon mula sa unang pakikipagtalik. 

“Ang recommendation talaga is every year. Within 3 years from your first sexual intercourse, dapat nakapagpa-pap smear ka na and then anywhere from 1 to 3 years.”

Pagdating naman sa bakuna, puwede na aniya itong ibigay sa mga siyam na taong gulang pataas upang maprotektahan bago pa man ma-expose sa pakikipagtalik.

Mainam din aniya na bakunahan ang 9 na taong gulang hanggang 13 anyos dahil mas maganda ang immune sytem response at dalawang dose lamang ang kakailanganin.

“The studies have shown that it is tolerated well by 9 year old children. It is very effective in 9 year old children.”

“Isa pang kagandahan by giving it at 9 years old up to 13 years old, you only need 2 doses of the vaccine, but if you’re much older and you want to receive the vaccine, you’ll already need 3 doses.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.