RS Francisco, suportado ang Miss Universe 2019 sa Pilipinas?

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2019 04:17 PM | Updated as of Aug 18 2019 11:20 PM

MAYNILA -- Bilang isa sa mga kilalang tagasuporta sa programa ng Miss Universe Organization, binigyang linaw ng aktor at negosyanteng si RS Francisco ang naging pag-ugong ng tila napipintong pagdaraos ng Miss Universe sa Pilipinas.

Kasunod ito ng tila pakikipagpulong ni RS sa presidente ng Miss Universe Organization na si Paula Shugart nang bumisita ito kamakailan sa Pilipinas.

"Don’t get confused with those information, baka ma-fake news tayo. November 9 is the grand sales rally of Frontrow. It's called 'Frontrow All In' and that is for celebrating all our achievements and blessings," tugon ni RS sa naganap na Fresh & Radical book launch ng kanyang kumpanya na Frontrow kasama si 2018 Miss Universe Catriona Gray.

Ito rin daw ang naging dahilan ng pagbisita ng Miss Universe Organization sa Philippine Arena kamakailan para tingnan ang seguridad sa magiging pagdalo ni Grey na magbabalik-bansa sa Nobyembre.

"The reason why we went there, we looked at the venue for our event and that’s it," patuloy pa ni RS.

Samantala, sa huling panayam ng ABS-CBN News kay Chavit Singson na isa sa mga business partner ng Miss Universe Organization sa Pilipinas, sinabi nitong nanatili ang posibilidad na gawin muli sa bansa ang 2019 Miss Universe pageant.

"Pero kako dapat may katulong din doon, hindi ako lang," aniya.

Nauna nang umugong ang pagdaos ng susunod na Miss Universe sa Dubai o South Korea pero kuwestiyonable raw ang swimsuit competition sa Dubai.

Bukod sa Dubai, isa din ang Doha, Qatar sa pinag-aaralan ngayon na posibleng venue ng Miss Universe 2019.

Taong 2016 nang huling idaos sa Pilipinas ang Miss Universe pageant.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.