ALAMIN: Mga pagdiriwang ng Buwan ng Wika na malalahukan ngayong Agosto

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2017 04:56 PM | Updated as of Aug 09 2017 02:21 PM

Muling ipinagdiriwang sa Pilipinas ang Buwan ng Wika ngayong Agosto, kaya't kabi-kabila rin ang mga pangyayari kaugnay ng pagbibigay-pugay sa wikang Filipino. 

Kabilang na rito ang mga sumusunod:

Cinemalaya 13
Kailan: Agosto 4-13
Saan: Cultural Center of the Philippines at mga sinehan sa Ayala Malls

Sa ika-13 taon ng Cinemalaya Independent Film Festival, ipalalabas ang mga Filipino independent films, siyam dito ay full-length, samantalang 12 naman ay short films. 

Bida sa ilang pelikula ang ilang bigating artista gaya nina Sharon Cuneta, Jake Cuenca, at Angel Aquino.

______________________________

Salin Night: Gabi ng mga Tulang Isinalin sa Sariling Wika Natin
Kailan: Agosto 8, 6:00 ng - 9:00 ng
Saan: Conspiracy Garden Cafe, Visayas Ave., Quezon City

 

Itatanghal at isasalin ng ilang makata mula sa KM64 ang mga tulang bayaga. Magkakaroon din ng open mic segment kung saan maaari ring magbahagi ng mga isinaling tula ang mga manonood. 

______________________________

Paglulunsad ng Aklat ng Bayan 2017
Kailan: Agosto 11, 2017, 8:00 nu - 5:00 nh
Saan: Komisyon sa Wikang Filipino, Bulwagang Romualdez, Gusaling Watson, J.P. Laurel, San Miguel, Manila

Ilulunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino ang mga aklat nitong salin ng mga panitikan ng mga rehiyon, mga klasikong akda ng daigdig, at pananaliksik sa wika at kultura. Magbibigay din ng 25% deskuwento ang komisyon sa mga piling publikasyong ibebenta sa araw na ito. 

______________________________

LIRAhan: Walang Buwan
Kailan: Agosto 15, 7:00 ng - 10:00 ng
Saan: Conspiracy Garden Cafe, Visayas Ave., Quezon City

Taon-taon mang ipinagdiriwang ng bansa ang Buwan ng Wika, itinutulak naman ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo ang pagbibigay-pugay sa wikang Filipino buwan-buwan, kahit hindi Agosto. Kaya naman sa LIRAhan ng organisasyon ngayong Agosto, tuloy pa rin ang tulaan at tugtugan ng mga makatang LIRA at iba pang espesyal na panauhin. Bukas din ang grupo sa mga makata at manonood na nais magtanghal sa gabing ito. 
______________________________

Pista ng Pelikulang Pilipino
Kailan: Agosto 16-22
Saan: Sa mga pangunahing sinehan sa bansa

Pawang mga pelikulang Filipino ang ipalalabas sa mga sinehan sa linggong ito upang itampok ang 12 Pinoy films. 

______________________________

Sa Ngalan ng Pag-ibig, languyin ang kathang-isip
Kailan: Agosto 17, 9:00 ng - 12:00 nu
Saan: Route 196 Bar, Katipunan Avenue Extension, Blue Ridge A, Quezon City

 

Ipagbunyi ang musikang Filipino sa buwang ito sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga OPM bands, gaya ng Ben&Ben, December Avenue, at Autotelic. 

______________________________

Putri Anak: Isang Bagong Komedya
Kailan: Agosto 23, 24, 25, 3:00 nh at 7:00 ng
Saan: GT Toyota Auditorium, University of the Philippines, Diliman, Quezon City

 

Para sa mga naghahanap ng bagong atake sa klasikong tradisyong pandula, ang Putri Anak: Isang Bagong Komedya ay isang sariwang pagtalakay sa anyong komedya na namamayagpag na sa bansa simula pa noong panahon ng Kastila. Sa kolaborasyon ng mga premyadong manunulat na sina En Villasis at Juan Ekis, at sa direksiyon ni Amparo Adelina Umali, binubuhay ng Putri Anak ang komedya sa pamamagitan ng pagpapaigting sa musika at tradisyon ng pagtatanghal ng mga kalapit-bansa ng Pilipinas sa Asya. 

______________________________

Mga Susing Salita: Pambansang Seminar sa Pagbuo ng Diskurso sa Konseptong Filipino
Kailan: Agosto 24-25
Saan: Awditoryum ng Kolehiyo ng Edukasyon, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Quezon City

 

Tampok dito ang mga kilala at batikang mga iskolar, manunulat at mananaliksik mula sa iba’t ibang akademikong disiplina na magbabahagi ng kanilang karanasan at kaalaman sa paggamit ng wikang Filipino sa pananaliksik at pagtuturo. 

Bukas ito sa lahat ng mga guro, mag-aaral at mananaliksik na nais palawakin ang kanilang kaalaman hinggil sa silbi at mahalagang ambag ng Filipino tungo sa pagbuo ng mga batayang kaalaman at pagpapataas ng pambansang kamalayan.

______________________________

Kundiman: Kanta at Kuwento ng Bayan, Pag-ibig, at Kultura
Kailan: Agosto 25, 7:00 ng
Saan: The Warrior Poet Art Cafe, Cubao, Quezon City

 

Isang natatanging pagtitipon ng mga makata, manunula, at musikero para ipagdiwang ang Buwan ng Wikang Pilipino. Bukas ang White Wall Poetry sa mga nais magbahagi sa entablado ng sariling mga akda. 

______________________________

Timpalak #BuwanNgMgaAkdangPinoy

 

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, ang #BuwanNgMgaAkdangPinoy ay parte ng pasasalamat sa mga akdang humubog sa kamalayan at pagmamahal sa bayan. 

Sa ikatlong taon ng pagdiriwang nito, inaanyayahan ang mga netizen na magbahagi ng mga akdang Pinoy sa anumang wika sa social media nang may kalakip na #BuwanNgMgaAkdangPinoy. 

Mayroong timpalak para sa pinakamalikhaing larawan, pinakamahusay na written post, pinakamahusay na video, pinakamaraming share/like/retweet, at pinakamahusay na themed posts. 

Mayroong karampatang papremyo sa mga magwawagi. 

Para sa higit pang impormasyon, bisitahin ang Santinakpan website.

______________________________

Paanyaya sa Daluyan – Espesyal na Refereed na Isyung Rizal

Nagsimula nang tumanggap ang Sentro ng Wikang Filipino (SWF), Unibersidad ng Pilipinas Diliman ng mga papel at pananaliksik para ilathala sa 'Daluyan: Journal ng Wikang Filipino, Espesyal na Refereed na Isyung Rizal, 2017'. Layon ng nasabing journal ang paunlarin at palawakin ang mga pag-aaral tungkol sa wika, panitikan, at kulturang Filipino. 

Para sa higit pang impormasyon, bisitahin ang paanyayang inilathala ng SWF

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.