ALAMIN: Tamang pangangalaga ng ngipin at gilagid

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2017 07:02 PM

Isa sa maliit ngunit lubhang mahalagang hakbang ng pangangalaga sa sarili ang pagsisipilyo araw-araw.

Bukod sa kailangan ito para maiwasan ang mabahong hininga, napoprotektahan din ang mga ngipin at gilagid sa pamamagitan ng pagsisipilyo.

Sa programang 'Good Vibes' sa DZMM, nabanggit ng periodontist na si Dr. Rosanna Jover na mahalaga ang tamang pagsisipilyo ng ngipin o pagpo-floss dahil maaaring ma-‘trauma’ ang mga gilagid sakaling masyadong madiin ito o mali ang direksyon ng pagsisipilyo.

“Nagko-cause din siya ng trauma sa gums mo. So anong mangyayari? It’s like hitting your arm. Kapag pukpok ka nang pukpok, mamamaga,” ani Jover. “Nagko-cause din siya ng gingivitis.”

Ani Jover, ang tamang pagsisipilyo ng ngipin ay pabilog at hindi tulad ng nakasanayan na pa-kaliwa at pa-kanan.

“Dito sa harap, parang bilog. It’s supposed to be up, down, up down, pero ang pinakamaganda niyan bilog hanggang likod,” paliwanag ni Jover. 

“’Yung loob din up, down, up, down.”

Binigyang diin din ni Jover na huwag kalilimutang sipilyuhin ang dila dahil nakakaapekto rin ito sa amoy ng hininga.

“And ‘wag niyo po kalimutan ang tongue. Toothbrush-an niyo ang tongue kasi kahit mag-tooth brush ka, ‘yung lasa ng bawang mo, andun e… It contributes to the bad breath as well,” ani Jover.

Ano ang gingivitis?

Mahalaga rin aniya na magsipilyo o magmumog tuwing pagkatapos kumain upang maiwasan ang bacteria na pangunahin namang sanhi ng gingivitis o pamamaga ng gilagid.

“Ang gingivitis po ay ang pamamaga ng gilagid lamang. Walang nasirang structures underneath. Walang nasirang buto, walang nasirang periodontal ligaments. Ang gingivitis ay reversible. Gumagaling,” paliwanag ni Jover.

Bagaman siniguro ni Jover na gumagaling ito, nagbabala rin siya na maaari itong lumala kapag napabayaan at maging periodontitis, isang kondisyon kung saan nasisira ang mga tissue at buto na sumusuporta sa ngipin.

Ani Jover karaniwang sintomas ng gingivitis ang mga sumusunod:

• Pamumula ng gilagid; ani Jover, pink ang kulay ng malusog na gilagid; 
• Pagdurugo ng gilagid; 
• Masakit na gilagid. 

Paliwanag ni Jover, ang starch na nagmumula sa mga kinain at mga bacteria na karaniwang nasa bibig ay bumubuo ng plaque. Kapag tumigas ang plaque, magiging tartar ito na nagdudulot ng iritasyon sa gilagid na nagdudulot ng gingivitis.

Ngunit, hindi lamang bacteria ang nagdudulot ng gingivitis. Maaari ring dulot nito ang malnutrisyon o kakulangan sa vitamin C. Puwede ring magkaroon nito ang may iba pang sakit gaya ng diabetes.

Ani Jover, bukod sa pagsisipilyo, mahalaga na magpatingin sa dentista upang mabigyan ng lunas at malinis ang ngipin at gilagid mula sa mga bacteria na nagdudulot ng gingivitis.

Sinabi rin ni Jover na mahalaga rin ang pagpo-floss ng ngipin tuwing gabi dahil nalilinis nito ang mga parte na hindi naaabot ng sipilyo.

“Kapag nagtu-toothbrush ka, dito ka lang saka sa likod. In between ng ngipin is a whole surface. Isang buong wall ‘yun. Hindi mo naba-brush ‘yun.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.