Bike to work, patok na alternatibong uri ng transportasyon

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2018 06:07 PM | Updated as of Jul 07 2019 01:49 PM

Isa ang pagbibisikleta sa alternatibong uri ng transportasyon para sa mga manggagawang papunta ng trabaho at mga mag-aaral na papasok ng eskuwelahan.

Ayon kay Zieg Tercias, isa sa mga tagapagtatag ng grupong "Bike to Work Pilipinas," dumadami na ang mga Pinoy na tumatangkilik sa pagba-bike to work.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kuwento niya, mula sa walong miyembro nang unang mabuo ang grupo noong 2012, may 17,000 miyembro na ngayon ang Bike to Work Pilipinas mula sa iba't ibang panig ng bansa.

"Nag-create kami ng group page and then all of a sudden, na-realize namin talagang may nagpapa-add, nagtatanong ng mga tips," sabi sa DZMM ni Tercias. 

"Doon mo makikita na kung may sapat na impormasyon ang mga tao para gumamit ng bisikleta, at 'yong mga establishment, ay talagang dadami iyong gagamit ng ganitong uri ng transportasyon," dagdag niya.

Pero sa kabila ng benepisyo nito sa kalusugan at tipid sa pasahe, hindi rin naman maiiwasan na malagay sa panganib ang mga siklista, lalo at lantad ang kanilang katawan habang pumapadyak sa kalsada.

Para sa mga nais sumubok ng pagba-bike to work, nagbahagi sina Tercias at kapuwa biker na si Ger Victor ng ilang mga kagamitang mapakikinabangan at makapagbibigay ng proteksyon.

Isa na rito ang pagsusuot helmet para maproteksiyonan ang ulo ng siklista.

"Ang kailangan na helmet mo is siyempre, 'di dapat masikip sa'yo at hindi rin masyadong maluwag. 'Yong tamang pagsusuot ng helmet is pantay sa forehead mo," ani Tercias.

Maganda rin umano kung puwedeng i-adjust ang size ng helmet sa ulo.

Sa ilalim naman ng helmet, puwedeng magsuot ng headcap na bukod sa dagdag-proteksiyon ay magagamit din upang hindi tumulo ang pawis mula sa anit.

Mainam din ang pagsuot sa mga neon shirt lalo kapag gabi upang madaling makita ang siklista ng ibang motorista at makaiwas sa aksidente.

Kung hindi naman tipo ang mga damit na matitingkad ang kulay, maaari ring bumili ng mga black shirt na may reflector o mga disenyo o linyang matitingkad ang kulay.

Puwede ring magsuot ng mga "dri-fit" na damit na hindi kinakapitan at mabilis matuyuan ng pawis.

Para maiwasang lumanghap ng hanging may polusyon, mainam na takpan ang ilong at bibig ng mga telang gaya ng panyo at N95 Carbon Filter Mask.

Kapaki-pakinabang din ang bike bag na puwedeng paglagyan ng mga gamit at isabit sa upuan ng bisikleta.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.