Higit 5,000 camera, tampok sa museo sa Pampanga

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2017 08:56 PM | Updated as of Jul 26 2017 01:28 AM

Mas madali nang kumuha ng retrato ngayon dahil may camera na sa mga cellphones. Pero noon, itinuturing ang camera na isang mahalagang gamit ng mga photographer, at hindi lamang accessory sa mobile phones.

Sa Guagua Pampanga, mayroong nakamamanghang koleksiyon ng camera ang doktor na si Norman Songco. Taong 1985 pa nang magsimula ang kanyang interes dito.

“'Yung cameras kasi may happy memories… they were treasured possessions during my childhood. Because of these happy memories, it transfix me into collecting cameras,” ani Songco.

Bawat camera sa koleksiyon ni Songco ay may kanya-kanyang kuwento. 

Kabilang na rito ang Century Eastman studio camera na pagmamay-ari ni Servando Lopez Loanzon, ang unang photographer sa Guagua. Isa ito at ang Titanic glass slide sa mga paborito ni Songco sa kanyang koleksiyon.

“Nabili ko sa auction, siya ‘yung captain ng Titanic, Edward John Smith… tapos ito ‘yung camera na ginamit -- the same camera that was used to capture the event that happened the next day,” kuwento ni Songco.

Kasama rin sa koleksiyon ni Songco ang mga film projector, camcorder, at spy cameras.

Umaabot sa mahigit 5,000 camera ang kabilang sa koleksiyon ni Songco kaya nagtayo siya ng isang private museum para rito. 

Sa mga nais bumisita para makita ang vintage camera collection ni Songco, maaaring magpa-appointment sa kanilang Facebook account.-- Ulat ni Migs Bustos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.