TIPS: Paano gawing negosyo ang iyong passion?

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2019 04:52 PM | Updated as of Jul 23 2019 05:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Suliranin ng ilang millennials ang pagpili kung dapat ba silang pumasok sa industriya na mataas ang kita o pumasok sa industriya kung saan nakalinya ang mga nais nilang gawin. 

Para sa financial expert na si Richard Thaddeus Carvajal, may tamang panahon para sundan ng millennial ang kaniyang passion, lalo na kung gustong kumita ng pera mula rito. 

Ayon kay Carvajal, mas mainam na pumasok muna sa regular na trabaho at maglaan ng mga oras para sa gagawing negosyo. 

Kung maaari, ayon kay Carvajal na isa ring millennial, dapat online ang pagpasok sa naturang negosyo. 

"Huwag mo muna ipagsabay ang trabaho mo. I-test mo muna. Ibenta mo online. Huwag ka muna magtayo ng restaurant mo o shop mo, bentahan mo muna 'yung mga kaibigan mo," ani Carvajal sa programang "Sakto" ng DZMM. 

Kung lumaki na aniya ang kinikita sa negosyo, at katumbas na raw ito ng kinikita sa trabaho sa opisina, senyales na raw ito na maaari nang mag-full time rito. 

"'Pag lumaki na at feeling mo equal na income mo at regular na ang income stream mo sa kinikita mo then that's the time (na puwedeng isipin na) siguro effective na 'tong business ko and puwede na 'ko mag-resign at puwede ko na 'to gawin full-time," ani Carvajal, na chief executive officer ng PHILGEMS Realty Corp. 

Kinilala rin ni Carvajal ang magandang idinudulot ng "passion" sa gagawing trabaho o project. 

"Kapag nagha-hire ako usually millennials pero usually tsine-check ko kung passionate ba sila. 'Pag hindi sila passionate sa work na ginagawa nila (sinasabi ko), 'Mapapagod lang kayo, maghanap na lang kayo ng work na gusto niyo'" ani Carvajal. 

"When you're passionate iba 'yung excellence na magagawa mo," dagdag niya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.