Mga awitin ni Rey Valera, ibibida sa musical

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2019 12:10 PM

MAYNILA -- Masayang naibahagi ng singer-composer na si Rey Valera ang tila nabubuong plano para sa kanyang mga awitin.

Ayon kay Rey, niluluto na ang pagbuo sa isang stage musical kung saan tampok ang kanyang mga awitin gaya ng "Pangako Sa 'Yo," "Malayo Pa Ang Umaga,""Kung Tayo'y Magkakalalayo," at "Maging Sino Ka Man".

"Niluluto 'yung project na 'yun. Nakakatuwa kung matutuloy, nakakataba 'yun ng puso," sabi ni Rey sa panayam ng ABS-CBN News.

Pakiusap lang ng beteranong mang-aawit sa mga susulat ng planong stage musical: "Ang tanging hiling ko lang, alam na naman nila 'to... sa makaluma lang ako na kung pwede kahit anong istorya, huwag na istorya ko, kahit anong storya ang gawin nila, as long as iikot lang sa human nature, human factor, hindi 'yung something religious, something political and spiritual," paliwanag pa niya.

Aniya, nais niya na maging malapit sa masa ang magiging kuwento ng planong musical.

"Para sa akin kasi ang magiging fan ng play na 'yan ay mga masa pa din na kumita na ngayon, 'yung iba mayor na ngayon, senador na ngayon, may kanya-kanya nang negosyo, pero by heart mga masa pa din sila," saad pa ni Rey.

"Sa akin lang, huwag niyo ilalayo sa masa. 'Yun lang ang ibig ko sabihin," pahayag pa ng singer.

Sa ngayon, abala si Rey sa "Tawag ng Tanghalan" at "Beyond Timeline" concert ngayong Agosto 3, sa Music Museum kasama sina Dulce at Marco Sison.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.