ALAMIN: Mga sustansiyang taglay ng buto ng pakwan, kalabasa, sunflower

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2019 11:42 AM | Updated as of Jul 22 2019 11:53 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Magkakaiba man ang pinanggalingan ng mga buto ng pakwan, kalabasa at sunflower, pare-pareho naman ang sustansiyang maaaring makuha sa mga ito.

Napapabilang kasi ang mga nabanggit sa iisang pamilya ng mga mani o legumes.

Ang mga pinatuyong buto ay tinatawag ding pulses at sa bawat pagkutkot sa mga ito, may hatid ang mga ito na benepisyo sa kalusugan.

Mayaman ang mga nabanggit na buto sa protina at antioxidants, sabi ng dietitian na si Dr. Mary Grace Macatangay sa programang "Salamat Dok."

Nagbibigay din umano ang mga buto ng Vitamin B3 o niacin na nakapagpapalakas sa utak.

"Kaya maganda po siya lalo kung ikaw ay nag-aaral," ani Macatangay.

Mayaman din umano ang mga buto ang amino acid na kailangan sa digestion o pagtunaw ng pagkain.

Hatid din ng mga buto ang Vitamin A, Vitamin B, Vitamin C, at Vitamin E, at mga mineral na potassium, zinc, at iron.

Pero nagbabala rin si Macatangay na nakasasama rin daw sa katawan ang labis na pagkonsumo ng mga buto.

Halimbawa ng doktora ay ang buto ng pakwan na maaaring makapagpataas ng uric acid at magdulot ng gout.

Dahil maalit din ang lasa ng mga buto, maaari rin daw tumaas ang tsansa ng stroke, osteoporosis at komplikasyon sa bato kapag nasobrahan sa konsumo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.