Man’s best friend: Aso patay matapos ipagtanggol ang bata laban sa cobra

Gabriel Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2019 07:53 PM

Bagaman ligtas ang sanggol, namatay naman ang asong si Miley ilang minuto matapos ang insidente habang ligtas ang "mate" niyang si Moxie na lumaban din sa ahas. Kuha ni Jaim Bugtay Selim

Patunay na pinakamatalik na kaibigan ang aso, isang dachshund ang namatay matapos protektahan ang isang 1-anyos na bata laban sa isang cobra sa Kidapawan City nitong Biyernes.

Ayon sa may-ari ng aso na si Jaim Bugtay Selim, napansin ng kanilang kasambahay na maingay ang kanilang 2 dachshund sa labas ng kanilang bahay sa Barangay Lanao pasado alas 2 ng hapon.

Aniya, binabantayan ng kasambahay ang anak niyang si Skye na 30 metro lang ang layo sa mga aso.

"On duty po kami ng wife ko that time. 'Yung yaya at baby lang po ang naiwan sa bahay," kuwento ni Selim sa ABS-CBN News.

Nang lumabas ang kasambahay, nakita nito na may nanghihinang cobra sa tabi ng isa sa mga aso na si Miley na nakahiga rin. Pinalo ng kasambahay ang cobra sa ulo na naging dahilan ng pagkamatay ng ahas.

Bagaman nawala ang panganib, namatay rin si Miley ilang minuto matapos ang insidente habang ligtas ang "mate" niyang si Moxie na lumaban din sa ahas.

Ayon kay Selim, 5 taon na nilang kasama ang mga aso.

Nagbigay ng pugay ang pamilya kay Miley sa isang Facebook post.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.