PANOORIN: Paano magsagawa ng hands-only CPR

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2019 02:56 PM | Updated as of Jul 14 2019 03:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ibinahagi ng isang doktor ang proseso ng pagsasagawa ng hands-only cardiopulmonary resuscitation (CPR), na maaaring makasagip ng mga taong nakaranas ng cardiac arrest o iyong pagpigil ng pagtibok ng puso.

Ayon kay Dr. Orlando Bugarin, cardiologist mula sa Philippine Heart Association, puwedeng ituro sa ordinaryong tao ang hands-only CPR, hindi gaya ng karaniwang CPR na itinuturo lamang sa medical personnel.

Hindi na rin umano kailangang magsagawa ng mouth-to-mouth resuscitation.

"Tuloy-tuloy lang po ang tinatawag nating chest compression kahit 'di tayo mag-mouth-to-mouth sa isang biktima ng cardiac arrest," ani Bugarin.

Ayon kay Bugarin, bago gawin ang chest compression, tiyakin munang ligtas ang lugar na paggagawan ng CPR at kung tunay bang nakaranas ng cardiac arrest ang pasyente.

"Kailangan ma-check natin kung talagang nag-arrest 'yong pasyente o biktima. Baka mamaya natutulog lang o baka lasing lang," ani Bugarin.

Mainam din umanong humingi ng tulong medikal gamit ang cellphone o magpatulong sa mga tao sa paligid.

Sa pagsasagawa ng chest compression, ilapat muna ang 2 kamay sa gitna ng dibdib ng biktima, ani Bugarin.

Dapat ay nakaderetso umano ang braso at kuhanin ang lakas sa balikat.

Nasa 100 hanggang 120 beats per minute ang ipinapayong gawing compression.

Ititigil lang daw ang compression kapag napagod na, may dumating nang rescuer, o nakitaan ng senyales na bumuti na ang pakiramdam ng pasyente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.