Cacti, succulents naging 'stress reliever' ng ilan sa gitna ng pandemiya

April Rose Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 05:58 AM | Updated as of Jul 08 2020 06:07 AM

Lumaking may 'green thumb' o may angking galing sa pagtatanim ang 62-anyos na si Ramon Beo ng Lipa City, Batangas.

Naging abala siya noon sa mga gawain sa opisina, kaya ngayong naka-work from home, muli niyang pinagtuunan ng pansin ang pag-aalaga ng mga tanim.

“Ayaw ko naman mag-stay idle sa bahay. Kapag nasa bahay ako...gusto ko may ginagawa ako. Eh di nagsimula na akong mag-venture sa ibang plants naman. Na-engganyo ako, nakikita ko sa Facebook 'yung mga succulents at cactus," aniya.

Sa loob ng higit 3 buwan ng quarantine sa Batangas dulot ng coronavirus, mahigit 100 cacti at succulents na ang inaalagaan ni Beo sa kanyang munting hardin.

Para mas kaakit-akit sa paningin, inilagay niya ito sa mga pasong may disenyo at pinapalamutian ng makukulay na bato. Aniya, natatanggal nito ang stress na dulot ng pandemya sa kanya.

“Parang ano ko 'yan eh, sress reliever ko mga halaman. Kasi naka-focus ka lang dun. You are not thinking of anything. Nandoon ka lang sa paghahalaman mo. So it gives peace of mind. Narerelieve ang stress mo from work and some other things," ani Beo.

Kung hobby para sa iba pinagkakakitaan naman ni Lyanna Kae Rosales ang napakaraming cactiat succulents sa bahay nila sa Sariaya, Quezon.

Ang ilan dito nabili umano niya sa ilang sellers sa Baguio. Ang kita umano ni Lyanna sa pagbebenta ng mga ito ay gagamitin niyang pantustos sa pag-aaral para di madiskaril ang pagiging graduating education student niya ngayong school year.

“Nakakatulong din 'yun. Di ba online class ngayon? Nakatulong siya pang tuition ko,” aniya.