Bike courier na agaw atensyon sa Iloilo City, may payo sa mga motorista

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 12:58 AM

ILOILO CITY--Sa ilalim ng new normal, karamihan sa mga transaksiyon ay online na, pati sa simpleng pag-order ng pagkain.

Kaya, to the rescue ang delivery boys na kasama sa mga itinuturing na frontliners sa gitna ng coronavirus pandemic.

Sa Iloilo City, agaw-atensyon ang 21 anyos na delivery boy na si Karlo Porquez ng Lapuz, Barangay Lapaz sa lungsod na ito.

Bisikleta lang ang ginagamit niya sa paghahatid ng food orders, kahit na malayo ang pinaghahatiran niya ng mga pagkain.

Matapos tumigil sa trabaho bilang bartender sa Boracay, umuwi si Porquez sa Iloilo noong Marso dulot ng pandemya.

"Graduate ako pero nahihirapan akong maghanap ng trabaho dahil sa pandemic, kaya ginamit ko na lang muna ang aking diskarte sa pag-bike," ani Porquez, graduate siya sa kursong Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management.

Umaasa siya na sa pamamagitan ng kaniyang kuwento, mapukaw ang damdamin ng mga motoristang gumagamit ng kalsada, na respetuhin at pahalagahan ang karapatan ng mga kagaya niyang nagbibisikleta sa daan.

"Minsan may mga bastos talaga na drivers na makasarili sa paggamit ng kalsada, minsan, lane mo na, magagalit pa," ani Porquez.

Pangarap niyang magtayo ng "Bike Messenger" na negosyo o delivery gamit lang ang bisikleta para makatulong sa mga kapareho niyang bike enthusiasts na makapagtrabaho kahit tibay at lakas lang sa pagpadiyak ang kapital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.