Mga negosyante sa Hundred Islands nagalak sa balik-operasyon ng nat'l park

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 07:39 PM | Updated as of Jul 02 2020 09:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

ALAMINOS CITY, Pangasinan — Nabuhayan ng loob ang mga negosyante at tindera sa pagbubukas ng Hundred Islands National Park dahil may pagkakataon na ulit silang makapaghanapbuhay at kumita matapos ang ilang buwang quarantine. 

Kapansin-pansin na maaliwalas, malinis ang kapaligiran at sariwa ang hangin matapos makapahinga ang isla sa dagsa ng mga turista bago ang community quarantine.

Kaya ang mga residente na umaasa sa paghahanapbuhay sa isla, nabuhayan ng loob.

Tulad ng grupo ni Estela Cefre na nagbebenta ng souvenirs sa Lucap Wharf.

"Okay na rin po na nag-open ang Alaminos kasi po para meron kaming kita," ani Cefre.

Mga taga-1st district lang muna ng Pangasinan ang papayagan mula Hulyo 1 hanggang Setyembre 30. Susunod naman ang iba pang distrito.

Bukod sa Quezon, Children’s at Pilgrim Islands, bagong destinasyon ang Sandal Island kung saan may mga cottage para sa buong pamilya.

Maaari na ring subukan ang zipline, banana boat, helmet diving, trekking, at cliff jumping sa Marcos Island. 

Pareho pa rin ang rental fee sa mga amenities and cottages pero mahigpit na ipatutupad ang safety and health protocols. 

Bawal pa rin ang mga menor de edad at may mga sakit.

Susundin pa rin ang physical distancing maging sa pagsakay sa motorboat. Nasa 1,000 bisita lang ang papayagan kada araw.
    
Hinihikayat din ang online reservation sa mga bibisita.
    
Mag-uumpisa ang island tour mula alas-6 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon at hanggang 6:30 ng gabi lang ang operation ng souvenir stalls at pasalubong centers.

"No overnight, day tour muna at no snorkeling muna kasi we are on the process of protecting rehabilitating and conserving our corals, kaya ang ating bantay-dagat busy sa coral protection, tinatanggal nila 'yung Crown of Torns na kinakain iyong corals. 24/7 ang protection sa hundred islands," ani Miguel Sison, tourism officer ng Alaminos City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.