Lalaking may kapansanan, pinagsasabay ang 3 trabaho

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2018 09:42 PM | Updated as of Jul 17 2019 05:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi na nakalakad si Niño Landicho mula nang ma-diagnose ng sakit na polio noong siya'y dalawang taong gulang.

"Nag-self-pity ako noon kasi nag-iisa lang akong pumapasok sa school namin, na ako lang 'yong binubuhat," kuwento ni Landicho.

Pero hindi nakaapekto sa pananaw ni Landicho sa buhay ang kapansanan. Sa halip, ito ang nagtulak sa kaniya para lalong magpursigi.

"Kapag pamilyado kang tao, dapat mayroon kang paninindigan," aniya.

Hindi lang isa o dalawa, kundi tatlong trabaho ang pinagkakaabalahan ni Landicho.

Tuwing umaga, nakapuwesto siya sa kaniyang watch repair ship sa bagong palengke sa bayan ng Tiaong, Quezon.

Kapag walang masyadong kostumer, umiikot naman siya para magpataya ng small town lottery.

Naglalako rin si Landicho ng minatamis na kalumpit na siya mismo ang gumagawa.

Dahil sa kaniyang pagsisikap sa kabila ng kapansanan, ipinagmamalaki si Landicho ng kaniyang misis na si Maricris.

"Ginagawa niya ang lahat para mabigay niya 'yong pangangailangan ng mga anak niya," sabi ni Maricris. 

Naniniwala si Landicho na walang imposible basta may pagpupursigi.

"Masarap mabuhay kahit may kapansanan," aniya.

Kabilang si Landicho sa mga miyembro ng Samahang Isinusulong ang Kapakanan ng mga may Kapansanan (SIKKAP) na layong isulong ang pantay na oportunidad para sa mga person with disabilities.

-- Ulat ni Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.