Ilonggo artist naitataguyod ang dialysis ng misis sa mga likha

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2019 06:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kada araw naglalako ang 53 anyos na si Larry Casinao, taga-Iloilo, ng kaniyang mga painting.

Ito na ang naging pantawid sa gastusin ng pamilya ni Casinao sa loob ng 25 taon.

Noong nakaraang linggo, naisipan ni Casinao na i-display ang ilan sa kaniyang mga obra sa sidewalk ng Jaro district, Iloilo City.

Mistulang art gallery ang daan kaya napukaw ang pansin ng publiko, gaya ng student leader na si Sal Molinas na nai-post sa social media ang retrato ni Casinao habang nagpipinta.

"I want to raise awareness to the people that they should support our local artist," ani Molinas.

Maraming netizens ang humanga sa Ilonggo artist lalo pa nang nalaman nila na ang inspirasyon sa kada obra ni Casinao ay para makalikom ng pampagamot sa asawang nagpapa-dialysis.

Ayon kay Casinao, ang isang painting ay pantustos sa 2 beses na dialysis ng misis sa isang linggo.

Nahihiya daw siya noong una pero naisip niyang marangal ang ginagawa para sa asawa.

Hindi raw titigil si Casinao sa paggawa ng obra lalo at alam niyang biniyayaan siya ng talento para sa mga mahal sa buhay at maging inspirasyon sa iba.--Ulat ni Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.