Lalaki gumamit ng astrophotography, singsing na kahoy para mag-propose sa nobya

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 03:56 PM | Updated as of Jun 25 2020 07:06 PM

Gumamit si Atty. Marianito Dio Jr, ng lagari, driller at iba pa para mahulma ang singsing na para sa nobyang si Jas Billedo at saka inukitan ng ilang titik ng baybayin na ang mensahe ay "pag-ibig." Gamit ang nasabing singsing, nag-propose ang abogado sa lugar kung saan sila karaniwang nagde-date, habang may solar eclipse. Photo courtesy: Jun Dio.

Espesyal na regalo mula sa langit para sa isang abogado sa Lipa, Batangas ang 8 taon na kasintahan kaya palagi niyang sinisigurado na 'di malilimutan na mga karanasan ang bawat araw na magkasama sila.

Kaya sa halip na mamahaling engagement ring, gumawa siya ng personalized na singsing na mula sa kahoy at sinabayan pa ito ng astrophotography para mas mapaganda ang pag-propose sa nobya. 

Gamit ang lagari, driller, at iba pang kagamitan, umukit ng singsing si Atty. Marianito "Jun" Dio Jr para sa nobyang si Jas Billedo at saka inukitan ng ilang titik ng baybayin na ang mensahe ay "pag-ibig." 

“Hindi lang ako fan ng mga singsing na binibili. Para sa akin, mas espesyal kung ikaw mismo 'yung gagawa nung singsing… Ang ganda sa akin ng appeal ng kahoy na singsing kasi para sa akin ang pag-ibig ay organic,” paliwanag ni Dio. 

Ayon kay Billedo, kinutuban na siyang susurpresahin siya ng nobyo nang mabanggit ng professor ni Dio na naghahanap daw ito ng maglililok ng singsing. 

“And then nabanggit na naghahanap daw ng naglililok ng singsing si Jun… So ako nagkaroon na ako somehow ng hint. Knowing Jun, napaka-weird niya kasi minsan. Siya laging gusto niya kakaiba like hindi kasi siya yung typical guy na nakikisabay lang sa gusto ng karamihan," ani Billedo. 

Naudlot ng community quarantine ang planong wedding proposal ni Dio noong isang buwan, pero nakaisip pa rin siya ng paraan para gawing espesyal ito gamit ang hilig sa astrophotography.

"Naisip ko 'yung concept na 'yun kasi matagal na naming ginagawa 'yung long exposure photography," kuwento ni Dio. 

Noong June 21 na summer solstice at solar eclipse, niyaya niya ang girlfriend sa lugar na madalas silang mag-date.

"Magda-drive kami hanggang Taal and then pupunta kami sa Butong. May beach din kasi dun malapit sa Basilica ng Taal. Normally ganoon 'yung mga dates namin," ani Billedo. 

Ang midnight photo session, nauwi sa wedding proposal.

"May hinihintay akong oras para yung orientation ng milky way ay maging vertical para siya 'yung maging center ng image. So hindi ko muna pwedeng itanong 'yung tanong hanggang hindi pa vertical 'yung Milky Way," ani Dio.

"And then lumapit siya sa akin and ang sabi niya nga, 'Jas, may 30 segundo ka para sagutin ang itatanong ko.' And when I heard that, wala na, nawala na 'ko sa sarili ko kahit antok na antok na 'ko," ani Billedo. 

Bukod sa magandang retrato sa ilalim ng mga bituin sa may lawa pero pinaka-espesyal pa rin kay Dio ang matamis na "oo" ni Billedo.

"Sabi ko prank ba 'to? 'Yun 'yung una ko talagang sinabi, prank ba 'to? But then after nun, niyakap ko naman kasi siya and then sabi ko, oo, araw araw hanggang huli," ani Billedo. 

Sinisimulan na ng dalawa ang detalye ng kanilang kasal na planong ganapin sa Disyembre.

-- Ulat ni April Magpantay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.