Alamin: Ano ang hypothyroidism at hyperthyroidism?

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2017 05:01 PM

Kung nakararamdam ng madalas na pagkapagod o di kaya ay pagkanerbyoso sa 'di malamang dahilan, maaaring mayroong problema sa metabolismo dulot ng 'di balanseng hormones sa katawan. 

Responsable sa pagsasaayos ng metabolismo ang hormones na ginagawa ng thyroid gland na matatagpuan sa ating leeg. Ang pagkakaroon ng hindi tamang dami ng hormones na ito ay maaaring magdulot ng mga kondisyong hyperthyroidism at hypothyroidism.

Sa programang “Magandang Gabi Dok” ng DZMM, ipinaliwanag ng endocrinologist na si Dr. Nemencio Nicodemus ang pagkakaiba ng hypothyroidism at hyperthyroidism.

Hyperthyroidism 

Ang hyperthyroidism ay dulot ng labis na thyroid hormones o thyroxine (T4) at triiodothyronine (T3). Tumutulong ang mga hormones na ito sa iba't ibang proseso ng katawan tulad ng brain development at digestion.

Ani Nicodemus, mabilis ang pag-iisip ng mga may hyperthyroidism kaya mabilis din silang mairita o magalit.

Bukod dito, mabilis din aniya ang tibok ng kanilang puso at metabolism na maaaring magdulot ng panginginig ng kamay. Madali rin silang pumayat, pawisan, mapagod, at hingalin. May iregularidad din sa buwanang dalaw ang kababaihan na may hyperthyroidism.

May lunas naman ang sakit na ito, ayon kay Nicodemus.

Maaaring bigyan ng gamot ang pasyente na magpapababa ng antas ng thyroid hormone. Maaari ring tanggalin ang thyroid gland sa pamamagitan ng operasyon kung malaki na ang goiter at may bukol na maaaring cancerous. 

Hypothyroidism

Kung sobra sa T3 at T4 ang may hyperthyroidism, kulang naman sa hormones na ito ang mga may hypothyroidism. 

Paglalarawan pa ni Nicodemus, kabaligtaran ng mga nararanasan ng mga may hyperthyroidism ang iniinda ng may hypothyroidism. 

Mabagal aniyang mag-isip ang mga ito at gayon din ang tibok ng puso. Hirap din silang dumumi at mabilis tumaba kahit hindi malakas kumain.

Madalas umanong ginawin at antukin ang mga may hypothyroidism at maaari ring mamaga ang paligid ng kanilang mata at mamanas.

Tulad ng hyperthyroidism, may lunas din para sa mga mayroong hypothyroidism. Ayon sa doktor, may tabletang may thyroid hormone na ibinibigay sa kanila upang matugunan ang kakulangan sa T3 at T4.

Dagdag pa ni Nicodemus, mas madaling maiwasan ang hypothyroidism dahil ang pinakamadalas na sanhi nito ay ang iodine deficiency. 

Payo niya, kumain ng mga pagkaing may sapat na iodine tulad ng seafood, talaba, tahong, at pusit. Maaari ring gumamit ng iodized salt sa mga pagkain. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.