ALAMIN: Saklaw ng Philippine Mental Health Law

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2018 06:50 PM | Updated as of Jun 22 2018 10:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tuluyan nang naisabatas ang Philippine Mental Health Law o Republic Act 11036 matapos itong lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.

Ayon sa isang abogado, dahil sa batas ay maisasama na ang kalusugang pangkaisipan sa general healthcare system ng bansa. 

Mas mailalapit na rin ang mga tulong-pangkalusugan para sa mga taong may mental health problem.

"Isa sa magandang probisyon dito ay ang pagpapababa ng mga serbisyong medical at psychotherapeutic service...ibinababa sa lebel ng siyudad, munisipyo hanggang barangay health center," ani Atty. Noel del Prado.

Kinikilala rin ng batas ang pagkalulong sa droga bilang isang sanhi ng problemang pangkaisipan na kailangan matugunan.

"Mayroon ding kondisyon sa labis na pagkalulong sa droga, nasisira ang kanilang pag-iisip at ito rin ay susubukang tugunan ng batas," dagdag ng abogado.

Base sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), umabot sa 1.3 milyon ang mga sumukong drug user at pusher sa unang taon ng kampanya kotra ilegal na droga.

Dagdag ng abogado, dahil din sa batas ay obligado ang pamahalaan na maglaan ng pondo para sa programa at serbisyong tutugon sa mental health problem sa bansa.

"Inuutusan na pati mga local government units na magtayo ng pasilidad at ibaba ang paghahatid ng mga serbisyo hanggang tertiary hospital sa lahat ng probinsiya," saad ni Del Prado.

Aniya, pinapantay na rin ng batas ang mga benepisyong makukuha mula sa PhilHealth ng mga taong may problema sa kalusugang pangkaisipan at ng mga may pisikal na kondisyon.

Base sa datos na nakalap ng ABS-CBN Investigative and Research Group, tanging 7 porsiyento ng mga pampubliko at pribadong mga ospital sa bansa ang may psychiatric unit o ward. Mayroon din lamang dalawang mental health worker sa bawat 100,000 Pilipino.

Editor's note:

May mga grupo sa Pilipinas na handang makinig sa mga taong nakararanas ng matinding kalungkutan at depresyon.

Kabilang na rito ang Natasha Goulbourn Foundation na handang tumugon kahit na anong oras.

Narito ang kanilang hotline numbers:

Information and Crisis Intervention Center
(02) 804-HOPE (4673)
0917-558-HOPE (4673) or (632) 211-4550
0917-852-HOPE (4673) or (632) 964-6876
0917-842-HOPE (4673) or (632) 964-4084

In Touch Crisis Lines:
0917-572-HOPE or (632) 211-1305
(02) 893-7606 (24/7)
(02) 893-7603 (Mon-Fri, 9 am-5 pm)
Globe (63917) 800.1123 or (632) 506.7314
Sun (63922) 893.8944 or (632) 346.8776

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.