Toothpaste, mabisa nga bang lunas kapag napaso?

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2018 04:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasabay ng paggunita sa National Safe Kids Week nitong linggo, nagpaalala ang ilang medical experts sa mga magulang na bantayang maigi ang mga bata para hindi sila malapit sa mga aksidente tulad ng pagkapaso.

Nakapagtala noong nakaraang taon ang Department of Health (DOH) ng 2,050 kaso ng pagkalapnos o burn injuries.

Tatlo sa bawat 10 biktima ay nasa edad 15 taon pababa, ayon sa DOH.

"Ang burn ay sunog sa balat or other organic tissue sa katawan. Primarily, ito ay, dahilan nito ay pagka-scald or ibig sabihin, 'yung mga nabanlian," paliwanag ni Dr. Emmanuel Tadifa ng Jose Reyes Memorial Medical Center.

Kung mapaso o mabanlian, balutan ng malinis na tela ang bahaging nagtamo ng injury. Huwag umanong diinan ang pagkabalot dahil posibleng dumikit ang tela sa balat.

"Ang importante lang po sa mga ganitong bagay ay matanggal po ang source ng init o sunog," ani Tadifa.

"Kailangan lang pong balutin 'yung isang pasyente [ng] isang malinis na towel o malinis na blanket at dalhin na po sa ospital agad," dagdag ni Tadifa.

Mas malala aniya ang matatamong injury kung mabanlian ng mainit na mantika kaysa sa kumukulong tubig.

"Ang mantika [has] a higher boiling point. So kung kumukulo na 'yong mantika... 'yong epekto nito ay mas malalim o mas malala," sabi ng doktor.

Hindi rin inirerekomenda ang pagpahid ng toothpaste sa injury.

"'Yong toothpaste, hinding-hindi natin pina-practice 'yon kasi pang-ipin lang talaga siya," anang emergency medical technician na si Jaydhie Arevalo.

"Hindi siya pwede sa balat. Kaya lang tayo nagkakaroon ng maling notion na toothpaste [na] magandang gamitin as first-aid treatment sa napaso ay dahil malamig siya sa bibig. Pero sa balat 'yan, wala tayong mararamdaman, simpleng cream lang siya," aniya.

Dagdag pa ni Arevalo, mas mahirap kung lalagyan ng toothpaste ang napasong bahagi dahil mahirap itong tanggalin kapag tumigas.

"'Pag kinuskos mo, lalo na 'pag merong paltos na 'yong balat mo dahil sa napaso 'yan, puputok 'yong paltos ngayon," aniya. -- Ulat nina Jeff Canoy at Toph Doncillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.