Puwede nga bang hulihin ang mga tambay?

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2018 03:11 PM | Updated as of Jun 20 2018 04:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mainit na usapin ang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa awtoridad na paigtingin ang panghuhuli sa mga tambay.

Kamakailan ay inihayag ni Duterte ang mas pinahigpit na panghuhuli sa mga tambay bilang parte ng kampanya kontra kriminalidad.

"Be strict, part of confronting people who do not do nothing and just idling around, they are potential trouble for the public," ani Duterte sa kaniyang talumpati sa harap ng bagong promote na uniformed personnel sa Malacañang.

"Ang mga criminal dapat diyan, ang mga durugista, they are not supposed to be there. So my directive is 'pag mag-istambay-istambay diyan sa, umuwi kayo," dagdag ni Duterte.

Ayon sa abogadong si Noel del Prado, wala nang batas na nagpapatibay sa pag-aresto ng mga tambay. 

Sa pamamagitan ng RA 10158 na ipinatupad noong 2012, tuluyan nang inalis ang vagrancy o paggala bilang isang uri ng krimen.

Sa lumang balangkas ng batas, itinuturing na krimen ang paggala sa lansangan na walang malinaw na pupuntahan. 

Giit ni del Prado, bagaman walang batas kaugnay sa paggala ay may mga ordinansa ang bawat lungsod at bayan na istriktong ipinapatupad. 

Posible pa ring hulihin ng awtoridad ang mga taong lumabag sa patakaran kaugnay sa curfew, pagbabawal sa walang suot na damit sa lansangan, pagbabawal sa pag-inom sa kalsada at iba pa.

Proteksiyon ng mamamayan

May paalala naman ang abogado laban sa posibleng pagmamalabis sa kapangyarihan ng mga pulisya.

"Ang paalala lang natin, 'yong malawak at malalim na kapangyarihan [ng pulisya] ay meron pa ring limitasyon at 'yong limitasyon diyan ay 'yong karapatang pantao ng mga mamamayan," saad ni Atty. Noel del Prado.

Dagdag ni del Prado, may mga legal na remedyo kapag sa tingin ng isang tao ay ilegal itong hinuli ng pulisya.

Maaaring gamitin ang petition for writ of amparo at writ of habeas corpus bilang proteksiyon laban sa ilegal na pagkulong ng pulisya. 

May mobile application rin ang Philippine National Police (PNP) kung saan nakalahad ang mga karapatan ng mga mamamayan laban sa pang-aabuso ng awtoridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.