Apps na gawang Pinoy, patok pang-food trip at job hunting

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2017 10:05 PM | Updated as of Jun 21 2017 04:43 AM

Kahit saang larangan, umaangat ang galing ng Pinoy. Tulad sa pag-develop ng mobile phone applications, hindi nagpapahuli ang gawang sariling atin. 

Para sa mahihilig kumain at gustong budget-friendly ang food trip, perfect ang mobile phone app na ‘Booky’. Made in the Philippine ang app na binuo ni Ben Wintle, ang British-Filipino boyfriend ni Iza Calzado.

Kuwento ng aktres, noong simula’y dapat magsisilbing directory lang ang app ng restaurants. Kalaunan, nagkaroon na rin ng feature ang app na nagbibigay diskuwento sa mga magbo-book sa restaurant gamit ang ‘Booky’. Kaya naman lalong naging abot-kaya ang food trip, dahil puwedeng maka-‘buy one, get one’ sa meals kahit fine dining pa.

Virtual tour na may kasamang history lessons ang hatid ng bagong-lunsad na 'KulTOURa' mobile phone app.

Kasabay naman ng anibersaryo ng kaarawan ni Jose Rizal nitong Hunyo 19, inilunsad ang "KulTOURa" mobile app ng National Commission for Culture and the Arts, katuwang ang Department of Tourism at Smart Communications. Isa itong smartphone application kung saan puwedeng mag-'virtual tour' o maglakbay online ang netizens sa mga makasaysayang lugar tulad ng Intramuros at Rizal Park. 

Isa pang Pinoy mobile app na may malaking tulong sa mga super busy ang ‘MetroMart’. Sa pamamagitan nito, puwedeng mag-grocery online at ipa-deliver ang mga pinamili. Wala nang pila sa cashier, hindi pa mata-traffic papunta sa pamilihan. 

Sa mga naghahanap naman ng trabaho, virtual job fair ang hatid ng ‘kalibrr.com’, isang job portal site na gawang Pinoy din. Puwede ring ma-download sa Android ang mobile app na ito, kung saan makikita ang opening sa iba’t ibang trabaho, mapa-pribado man o sa gobyerno.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.