Kambal na Criminology students, nagtapos na cum laude

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2019 03:33 PM | Updated as of Jun 15 2019 06:56 AM

Kapwa nagtapos na cum laude sa kursong Criminology sa Tarlac State University ang magkambal na sina Frederick at Kate Galang. Handout photo

Doble ang saya ng magkambal na sina Frederick at Kate Galang nang magtapos bilang cum laude sa kursong Criminology sa Tarlac State University nitong Biyernes.

Kuwento nila, tumitingala sila sa kanilang ama na isang sundalo, kaya nila kinuha ang kurso.

Ani Frederick, hindi nila inakalang parehas silang makakakuha ng award.

"Kasi lumalaki kami na siya (Kate) lagi 'yung umaangat so hindi ko akalain na parehas kami nakakuha ng award,” aniya.

Bukod sa academic performance, student leaders din ang dalawa sa kanilang unibersidad.

Pero sa halip na makipagkumpitensiya sa iba, nagpasya ang dalawa na magtulungan sa pag-aaral para makamit ang tagumpay.

"Para sa amin parang friendly competition... For example kapag may exam 'I review, you review.' Ganoon po kami,” ani Kate.

Sabi ng kanilang ina na si Realina, lagi niyang sinasabi sa mga anak na magtulungan sa kahit ano mang aspeto.

"Sinasabi ko sa kanila lagi na walang inggitan, magtulungan kayo, kung sinong nasa baba iaangat,” ani Realina.

Plano ni Frederick na pumasok sa Philippine National Police Academy, habang balak namang mag-aviation school ni Kate.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.