Lalaking tumitimbang ng 300 lbs., paano nagpapayat?

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2017 12:42 AM

Tatlo sa kada 10 tao sa buong mundo ang overweight o 'obese' o sobra-sobra ang timbang noong 2015, ayon sa kalalabas lang na pag-aaral sa New England Journal of Medicine. 

Bukod sa bilang ng mga 'obese', ikinaalarma rin ng mga dalubhasa ang datos na may kinalaman sa sobrang timbang ang nasa apat na milyong kaso ng pagkamatay sa buong mundo. 

Paliwanag ng National Nutrition Council (NNC), pinanggagalingan din kasi ng iba’t ibang sakit ang sobrang timbang. 

“Ang isang taong overweight o obese, sila iyong mas prone sa diabetes, cardiovascular (disease) o sakit sa puso, and certain cancers,” paliwanag ni Jomarie Tongol, Nutrition Officer III, National Nutrition Council-Nutrition Information and Education Division.

Dahil diyan, sinikap ni Jet Luga na bawasan ang kaniyang mabigat na timbang na nagsimula noong bata pa siya. Tumitimbang si Luga ng 300 pounds noon.

Dala ng pagpupursigi, nakapagbawas ng 115 pounds si Luga sa loob ng limang taon. Kuwento niya, ngayon ay mas positibo na ang kaniyang pakiramdam. Para kay Luga, disiplina hindi lang sa pag-e-ehersisyo kundi sa pagkain nang tama ang solusyon sa sobrang timbang.

Road to fitness ni Jet Luga mula sa dating timbang na 300 lbs.

Mahalaga rin ang suporta ng pamilya at kaibigan, ayon kay Luga, para magkaroon muli ng kontrol sa sariling katawan at kalusugan.

Payo rin ni Tongol, maging mapili sa pagkain at tiyaking hindi laging sobra sa alat, tamis, at taba ang kinakain. Mainam ding laging may gulay at prutas sa diet. Hindi rin naman kailangang mahabang oras sa ehersisyo. Kahit 10 minuto lang kada araw para mag-akyat baba ng hagdan, ayos na rin para sa kalusugan.

-- Ulat ni Miguel Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.