ALAMIN: Bakit mahalagang magpasuri ng prostate?

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2017 03:03 AM

MANILA - Karamihan sa mga lalaking may edad 40 pataas ay maaring makaranas ng paglaki ng prostate.

Ayon kay Dr. Samuel Yrastorza, ang prostate cancer ang ikaapat sa pinakamadalas na sanhi ng cancer deaths sa mga lalaki sa Pilipinas. Ito ay dahil hindi kaagad lumalabas ang sintomas ng prostate cancer.

Dagdag pa niya, kusang lumalaki ang prostate ng mga lalaki. Nasa 50 to 70 porsyento ng mga lalaki ang nakakaranas ng paglaki ng prostatena maaring bumara sa daluyan ng ihi.

Paliwanag ni Yrastorza, mahalaga ang pagpapasuri ng prostate dahil wala pang gamot na maaring makapigil sa paglaki nito.

"Sa ngayon, wala talagang preventive measures talaga. Wala kang magawa talaga para ma-prevent ito," aniya.

"Ma-detect ng maaga, magamot ng maaga," dagdag pa ni Yrastorza.

Bagama't hindi lahat ng paglaki ng prostate ay kailangang gamutin, mas makabubuti pa rin na ipatingin ito sa mga doktor upang mabigyang lunas at maiwasang lumala.

"Hindi lahat ng paglaki ng prostate kailangang gamutin. Hindi lahat nagbabara sa prostate, hindi lahat cancerous. So ang kailangan mo talagang gamutin, 'yung prostate na cancerous, 'yung prostate na nagbabara sa daluyan ng ihi," ani Yrastorza.

"Itinutulak 'yun na pagdating ng 40, meron o wala kang sintomas, dapat nagpapa-check ka na ng prostate mo. Pwedeng may prostate cancer ka pero feeling mo okay ka pa. Kasi ang prostate cancer usually doon lumalabas ang sintomas 'pag medyo malaki na siya, nagbabara na sa daluyan ng ihi, which is a little bit too late na, o kumalat na sa ibang parte ng katawan," dagdag pa niya.

Karaniwang ginagamit ang digital rectal exam at ang prostate specific antigen exam para malaman kung may prostate cancer o wala ang isang lalaki.

Sa darating na Sabado ay magkakaroon ng libreng konsultasyon para sa lahat ng lalaki sa mga urology clinics handog ng Philippine Urological Association sa pagdiriwang ng Men's Health Month at Father's Day.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.