Pagkabali ng buto sa leeg gaano kadelikado?

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2019 04:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Delikado ang makaranas ng cervical fracture o iyong pagkabali ng mga buto sa leeg dahil posible itong mauwi sa paralisis o kamatayan, ayon sa isang doktor.

Ayon sa orthopedic surgeon na si Dr. Steve Luspian, ang cervical fracture ay pagkabali ng alinman sa 7 cervical bones, na matatagpuan sa may bahagi ng leeg.

Ipinaliwanag ni Luspian na dumadaan din sa may cervical bones ang spinal cord na siyang nagdudugtong sa utak sa iba pang bahagi ng katawan.

"Any fracture dito sa cervical spine natin, puwedeng maipit 'yong spinal chord which can result to paralysis and in worst cases, death," sabi ni Luspian sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

Iba-iba raw ang posibleng maging epekto ng pagkabali ng cervical bones, ani Luspian.

Halimbawa aniya ay kung ang mga butong C1 hanggang C2 ang nabali, puwede raw nitong maapektuhan ang kakayahan ng isang tao na huminga.

"'Pag C1 to C2 kasi puwedeng matamaan 'yong breathing center kasi 'yong proximity niya sa brain stem. Nasa brain stem kasi 'yong respiratory center," anang doktor.

"'Yong muscles na responsible sa respiration, puwedeng ma-paralyze," dagdag niya. 

Sinabi rin ni Luspian na mas malala ang epekto ng cervical fracture sa mga matatanda dahil mas masikip umano ang mga spinal canal ng mga ito.

Kadalasan daw sanhi ng cervical fracture sa mga matatanda ang pagkatumba dahil sa kawalan ng balanse sa katawan.

Ipinayo ni Luspian sa mga matatanda na lumahok sa mga ehersisyong magpapanatili ng balanse ng kanilang mga katawan gaya raw ng tai chi. 

Ilan naman sa mga karaniwang sanhi ng cervical fracture sa mga bata ay mga aksidente sa kalsada at mga contact sport.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.