Taong may depresyon, 'dapat tanggapin, unawain'

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2018 08:22 PM | Updated as of Jun 10 2018 08:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Gustong ipaintindi ng mental health experts sa publiko ang panganib ng depresyon kasunod ng pagkamatay dahil sa napaulat na suicide ng celebrity chef na si Anthony Bourdain at ang fashion designer na si Kate Spade.

Isa ang pamilya Buencamino sa mga nais makatulong sa mga taong may pinagdadaanang depresyon o iba pang mental illness.

Taong 2015 nang pumanaw ang 15 anyos na si Julia, anak ng aktres na si Shamaine Buencamino.

Kuwento ni Shamaine, masakit mawalan ng anak, pero mas masakit ang malaman na mayroon palang iniindang depresyon ang anak na hindi man lang niya natugunan.

"Akala ko dahil iyon ay normal lang para sa isang teenager na pagdaanan, hindi ko inisip na 'yon ay dahil mayroon siyang dinaramdam na sakit," ani Shamaine.

Inilunsad ng pamilya ang Julia Buencamino Bench Project. 

"We want to prevent suicide as much as possible. We want to help kids who are suffering to have the courage to tell their parents," naluluhang paliwanag ng ginang na nangungulila pa rin para sa kaniyang yumaong anak.

Ayon sa mental health experts, hindi biro ang depresyon dahil maaaring mauwi ito sa suicide. 

Sa datos ng World Health Organization, 800,000 ang namamatay kada taon sa suicide sa buong mundo. 

Ang depresyon ay isang mental illness na may mga sintomas tulad kapag ang tao'y nagkukulong sa kuwarto, matamlay, anhedonia o walang pakiramdam, namimigay ng mga personal na gamit, at nagsasabing nawawalan na ng pag-asa. 

Ayon sa mga eksperto, hindi pa huli ang lahat para sa mga taong depressed. 

Imbes na balewalain ang kanilang karamdaman, dapat ay tanggapin sila, at bigyan ng pagmamahal at suporta. 

"Puwede naman na siya ay mabuhay na may mental illness... na with the love and support ng mga tao," ani Dr. Kathryn Tan ng National Center for Mental Health.

Mahalagang magpakonsulta agad sa mental health expert para mabigyan ng lunas o gamot. 

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News


Editor's note:

May mga grupo sa Pilipinas na handang makinig sa mga taong nakararanas ng matinding kalungkutan at depresyon.

Kabilang na rito ang Natasha Goulbourn Foundation na handang tumugon kahit na anong oras.

Narito ang kanilang hotline numbers:

Information and Crisis Intervention Center
(02) 804-HOPE (4673)
0917-558-HOPE (4673) or (632) 211-4550
0917-852-HOPE (4673) or (632) 964-6876
0917-842-HOPE (4673) or (632) 964-4084

In Touch Crisis Lines:
0917-572-HOPE or (632) 211-1305
(02) 893-7606 (24/7)
(02) 893-7603 (Mon-Fri, 9 am-5 pm)
Globe (63917) 800.1123 or (632) 506.7314
Sun (63922) 893.8944 or (632) 346.8776

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.