Tumor bumabalik sa mga lalaking pala-yosi: pag-aaral

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2018 05:13 PM

Mas malaki ang tsansang bumalik ang mga tumor ng pasyenteng may prostate cancer at kumalat sa iba pang bahagi ng katawan kung siya'y mahilig magyosi, ayon sa isang pag-aaral.

Ginamit ng mga mananaliksik ang datos mula sa mga nakaraang pag-aaral na tumutok sa kabuuang 22,549 lalaking may prostate cancer na di pa kumalat ang tumor sa iba pang bahagi ng katawan.

Sumasailalim sila sa operasyon o kaya'y radiation nang gawin ang pag-aaral.

Sa pangkalahatan, isa sa kada limang pasyente sa pag-aaral ay naninigarilyo. Ang iba pa'y di nagyoyosi o kaya nama'y dati nang tumigil sa paninigarilyo.

Di bababa sa anim na taong sinundan ng researchers ang lagay ng kalusugan ng mga lalaki sa pag-aaral.

Lumabas sa follow-up check-up sa mga lalaki na 40 porsiyentong mas may tsansang bumalik ang tumor sa mga lalaking naninigarilyo kumpara sa mga hindi nagyoyosi.

Mas mataas din ng doble ang tsansa ng mga naninigarilyo na kumalat ang cancer sa labas ng prostate.

Batay pa rin sa pagsusuri ng mga mananaliksik, 89 porsiyento ang posibilidad na mamatay sa cancer ang mga nagyoyosi.

Ayon kay Dr. Shahrokh Shariat ng Medical University of Vienna sa Austria, hindi malinaw kung paano maaaring magdulot ng prostate cancer ang paninigarilyo o kung paanong pinalalala ng pagyoyosi ang cancer.

Isang posibilidad aniya ay dahil nagdudulot ang paninigarilyo ng inflammation o pamamaga sa loob ng katawan na kalauna'y nagpapalaki sa tumor.

Puwede ring mas lumalaganap ang malignant tumor dahil sa nicotine.

"We know that tobacco smoking produces more than 70 carcinogens," ani Shariat.

Ang carcinogens ay iyong mga kemikal na nagdudulot ng cancer.

Sabi rin ni Dr. Stephen Freedland, director ng Center for Integrated Research on Cancer and Lifestyle at Cedars-Sinai Medical Center sa Los Angeles, masasabi mula sa pag-aaral na ina-absorb ng katawan ang kemikal mula sa paninigarilyo at nakaaapekto ito hindi lamang sa baga.

"Cigarettes themselves have chemicals that can cause cancer," ani Freedland.

"The fact that prostate cancer death is linked with smoking means (these cancer causing) chemicals are not just present in the lungs but absorbed in the body and make their way to the prostate and, as such, they probably make their way into every organ in our body."

-- Isinalin mula sa ulat ni Lisa Rapaport, Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.