Halos 2,000 estudyante sa University of Batangas, nagtapos sa 'virtual graduation'

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2020 05:41 AM

Larawan mula kay Princess Nicole Endaya

Nagtapos ang halos 2,000 estudyante sa kauna-unahang "virtual graduation" ng University of Batangas nitong Biyernes.

Sa kabila ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, espesyal pa rin ang kanilang pagtatapos ngayong taon dahil sa isinagawang virtual graduation ang paaralan. 

Ayon kay Dr. Redentor Rodriguez, executive producer ng virtual graduation, halos dalawang libong estudyante ang nagtapos ngayong taon sa naturang unibersidad.

Dagdag pa niya, online rin ang graduation ng mga nagtapos ng elementarya.

“The content of the livestream definitely what we see in actual graduation is also what we have in virtual ceremony, from prayer from the graduates, distribution of certificates what we did is we show their pictures with their names, with guest speaker etc.”

Ayon sa 18 anyos na senior high school student na si Noraine Jem Punzalan, top student sa accountancy and business management strand, sa online niya ibinahagi ang kanyang graduation speech.

"Natuwa po ako kasi first time po kasing magkakaroon ng online graduation and ako po yung napili nilang mag-speech parang isa pong honor po sa'kin 'yun na makapagsalita on behalf of my fellow graduates," ani Punzalan.

"At the same time po medyo nanghihinayang po ako dahil 'di ko nakasama ang mga classmates at teachers ko habang naakyat ako sa stage pero ok na rin po," dagdag pa niya. 

Sang-ayon ang ina ni Punzalan na si Jeanelin sa virtual graduation dahil sa ganitong paraan ligtas pa rin ang mga nagsipagtapos.

"Ok lang po at least hindi naman nawalan ng saysay ang paghihirap ng mga bata kasi in a way nakita nila na-recognize sila yung hardship saka yung efforts nila ay compensated," ani Jeanelin.

Ang pamilya naman ni Princess Nicole Endaya, sinabayan ng munting salu-salo ang panonood ng streaming ng graduation ceremony.

“We were sitting in a living room po then we had it playing in the television and then I invited my grandparents so that they will be able to watch it with us. We had a few snacks," ani Endaya.

Nananatiling positibo naman ang graduate na si Adrian Joseph Castillo ng Padre Garcia, Batangas.

Aniya, mahalagang matutunan ng kabataan ngayon na malayang tanggapin ang mga pangyayaring hindi inaasahan.

“Hindi lahat po nung ine-expect natin na mangyayari ay mangyayari so there are things na pwedeng mangyari na unexpectedly and kailangan nating gawin is to cope with those things and tanggapin yung nangyari and just look sa brighter side of life," ani Castillo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.