Sales clerk na umalalay sa bulag na commuter, nagpa-good vibes sa netizens

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2018 11:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi matawaran ang dedikasyon ng isang sales clerk sa kaniyang hanapbuhay.

Pero mas lalo siyang hinangaan dahil sa kaniyang pagtulong sa mga nangangailangan hanggang sa labas ng trabaho.

Kuwento ng sales clerk na si Ricks Tusara, sanay na siyang mag-asikaso ng customers sa pinagtatrabahuhang supermarket.

Hindi lubos akalain ni Tusara na mapapansin pa ng iba ang kaniyang pagtulong sa isang bulag na customer.

Nakuhanan si Tusara ng retrato habang inaalalayan ang lalaki sa paglalakad papuntang MRT station. Napansin ito ng maraming netizens na natuwa sa kabutihan ni Tusara. 

"May dala pa siyang gatas parang sa anak niya po talaga, hindi na po ako nag-alinlangang tulungan siya," ani Tusara tungkol sa lalaking inalalayan.

Ang tinulungan ni Tusara ay ang massage therapist na si Dickie Arandia, na bumabiyahe araw-araw mula Caloocan hanggang Guadalupe.

Kahit sanay siyang mag-commute mag-isa, malaking ginhawa pa rin aniya kung may tumutulong.

"Napapabilis pagpunta ko sa terminal, dahil do'n nakakasakay po kaagad ako," ani Arandia.

"Ito 'yong blessing sa 'kin ni Lord na tao para tumulong sa 'kin ngayong araw na ito."

Inspirasyon si Tusara para sa netizens na nakakita ng kaniyang retrato.

Positibo ang pananaw sa buhay ni Tusara kahit pa aminadong kapos sa pera ang kanilang mag-anak.

Ikawalo sa siyam na magkakapatid si Tusara.

Fish vendor ang kaniyang ama, habang mananahi naman ang ina.

Pero batid ni Tusara na di hadlang ang kahirapan sa kaniyang pangarap sa buhay -- ang maging titser.

Hindi nga makapaniwala ang sales clerk na kamakailan lamang ay pumasa siya sa Licensure Exam for Teachers (LET).

Itinuturing niya itong biyaya para sa pagkakawanggawa.

"Grabe nga po 'yong blessings na natanggap ko no'ng tumulong ako kay sir Dickie... pumasa ako sa LET without any review center," ani Tusara.

"Do not hesitate to help kasi ang pagtulong walang pinipili, kung sino ka man, mahirap ka man o mayaman."

-- Ulat ni Gretchen Ho, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.