'Bilang ng mga Pinoy na nagkakasakit sa bato, tumataas'

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2018 11:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patuloy na tumataas ang bilang ng mga tintamaan ng sakit sa bato, base sa datos na inilahad ng mga eksperto nitong Martes.

Kada taon ay libo-libong Pilipino ang naitatala na bagong kaso ng mga tinatamaan ng sakit sa bato o kidney disease.

"Nakikita namin na nag-increase ng 10 to 12 percent per year 'yong mga insidente ng mga bagong nagpapa-dialysis na pasyente," ani Dr. Russel Villanueva, isang nephrologist.

Isa ito sa mga nangungunang sakit na dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipiino.

Tinatawag ng mga doktor na "silent killer" ang kidney disease dahil lumalabas lamang ang mga sintomas ng sakit kapag ito ay malala na.

Kaya naman tuwing Hunyo ay ginugunita ang "National Kidney Month" upang muling ipagbigay-alam ang kahalagahan ng wastong pangangalaga sa bato.

Ayon sa mga espesyalista, mataas ang tsansang magkaroon ng sakit sa bato ang mga may diabetes o altapresyon pati ang mga taong nasa lahi na ang pagkakaroon ng mga nasabing sakit.

Kabilang din sa may mataas na risk ang mga obese at mahilig manigarilyo.

Paalala ng mga dalubhasa, palaging magpasuri sa espesyalista upang malaman ang lagay ng mga bato.

Narito ang ilang mga payo upang mapababa ang risk ng pagkakaroon ng kidney disease:

• Maging fit at active. 

• Siguraduhing maayos ang blood sugar level.

• I-monitor ang blood pressure.

• Kumain ng masustansiya at panatilihing nasa tama ang timbang. 

• Uminom lagi ng tubig.

• Iwasan ang paninigarilyo.

• Iwasan ang madalas na pag-inom ng mga over the counter medicines. 

• Magpa-check ng lagay ng kidney lalo na kapag mataas ang risk.

Magdadaos ng libreng kidney consultation ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Hunyo 8, 22, at 29 sa mga unang 100 pasyente na pupunta.

-- May ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.