Mga plastic wrapper, ipinagpapalit sa food packs sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 01:37 AM

Larawan mula sa Municipal Government ng San Nicolas, Ilocos Norte

Pinakikinabangan ng mga residente ng San Nicolas, Ilocos Norte ang mga plastic wrapper para sa food packs sa pamamagitan ng "Palit Basura Program" ng lokal na pamahalaan.

Si Nanay Asuncion Tumamao at ilang kabataan sa bayan ay hindi pinapalampas pulutin ang mga nakikitang mga plastik sa kanilang paligid.

Ang nakolektang 50 plastic wrappers ay may kapalit na dalawang canned goods, dalawang instant noodles, at twin pack coffee.

Matatagpuan ang palit-basura booth sa munisipyo.

"We collect plastic food wrappers, powdered, chichiria, and coffee wrappers. Ito ay donations from the private sector, so magandang palit sa aming basura, so iipunin nila ulit ito, ang mga wrappers na ito para pwede namin na palitan para hindi maipon ang basura dito sa San Nicolas," ani Alfredo Valdez Jr., alkalde ng San Nicolas.

Bukod sa layuning makatulong sa mga residente ngayong may krisis, paraan ito ng lokal na pamahalaan upang maturuan ang mga residente ng tamang pangagasiwa ng mga basura sa bayan.

"Pagdating nitong COVID pandemic ay may mga ayudang ibinibigay sa mga tao and all these things. So, I called the attention of our municipal environment officer na mukhang dadami ang mga basura natin dito dahil dito," dagdag pa niya.

Ikinatuwa naman ng mga residente ang naturang programa.

"Malaking tulong ito sa amin dahil kahit papaano ay natustusan ang aming pangangailangan," ani Asuncion Tumamao, residente sa lugar.

Mahigpit pa ring sinusunod ng lokal na pamahalaan ang health protocols. May ginawang ding schedule para sa bawat barangay para makontrol ang pupuntang mga residente sa plastic basura booth.

Gagawing unan, bags, bayong, at ibang kapaki-pakinabang na bagay ang mga nakolektang plastik.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.