ALAMIN: Kailan dapat ikabahala ang 'sepanx' ng batang estudyante

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2019 03:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Walang dapat ikabahala ang mga magulang kapag nakararanas ng "sepanx" o separation anxiety ang isang bata, kung saan nababalisa ito tuwing unang linggo ng klase, ayon sa isang eksperto. 

Ayon sa family life and child specialist na si Myla Lee-Tolentino, parte lang umano ito ng pinagdadaanan ng isang bata sa kaniyang paglaki. 

"Ito ay isang developmental task ng bata o iyong pinagdadaanan lang talaga ng bata, na kailangan lang nilang maging successful lang sa pagdaan na iyon," ani Tolentino sa "Sakto" ng DZMM. 

Dapat lang aniya itong ikabahala kung nararanasan pa rin ng mga mas malalaking bata. Indikasyon umano iyon na maaaring na-bully o naaabuso ang bata sa eskuwelahan. 

"That could be a key for us na magtanong sa sarili natin: ano na nga ba ang nangyayari sa anak ko baka may abuse o kaya bullying?" ayon kay Tolentino. 

Payo ni Tolentino, mahalagang mapakilala ang bata sa mga guro at iba pang tagapag-alaga sa eskuwelahan para hindi ito mabigla sa kaniyang bagong paligid. 

Mainam din umano ang pagsundo sa bata pagkatapos ng unang araw ng klase. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.