ALAMIN: Bakit kailangang dumaan sa medical screening ang mga buntis

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2017 03:53 AM | Updated as of Jun 01 2017 05:14 AM

Ilan sa mga nagiging sakit ng mga buntis ang hepatitis, syphilis, at HIV.

Ang mga sakit na ito ay kadalasang nakukuha sa pakikipagtalik sa isang taong may sakit. Maaari ring maipasa ang sakit na ito sa kanilang mga sanggol.

Ayon kay Dr. Erwin de Mesa, isang obstetrician-gynecologist, madaling malunasan ang mga nasabing sakit kung maaga itong magagamot.

"Basta malalaman natin ng maaga at mabibigyan ng kinakailangang gamutan at pag-aalaga at tamang paghahanda sa panganganak," aniya.

Dagdag pa ni De Mesa, kinakailangang dumaan sa screening ang mga buntis para maagapan kung mayroon man silang sakit.

"Lahat po ng mga obstetricians, at lahat po ng nangangalaga sa mga babae na nagbubuntis, part po ng ating routine screening, ang ibinibigay po naming test ay i-screen ang buntis sa Hepatitis B, syphilis, at HIV," aniya.

Paliwanag ni De Mesa, mahalagang masuri ang mga buntis dahil karaniwang walang sintomas ang mga nasabing impeksyon.

Kung hindi maagapan, maaring mahawa sa sakit ang sanggol. Kung may syphilis ang buntis na babae, maari rin itong maging sanhi ng pagkamatay ng kanyang sanggol.

"Mas mabilis pong makahawa sa kanyang sanggol. Mayroon po kaming tinatawag na congenital syphilis, na ang isang sanggol ay mahahawa ng ganitong kondisyon. Maari pong ito ang maging sanhi ng fetal death in utero, o maari hong mamatay 'yung baby sa loob nang hindi ho natin namamalayan," ani De Mesa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.