Payo ng doktor: Mag-ingat sa mga sakit na hindi nakahahawa

ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 04:09 PM

Maliban sa mga nakahahawang sakit gaya ng sipon, tuberculosis, sexually transmitted disease, at iba pa, ang mga sakit na hindi nakahahawa o ang mga non-communicable disease (NCD) ay dapat ding iwasan at pagtuunan ng pansin, ayon sa isang eksperto. 

Resulta ng hindi tamang pagkain, kakulangan sa ehersisyo, at substance abuse ang mga non-communicable disease, paliwanag ni Dr. Ireneo Bernardo III sa kanyang panayam sa 'Magandang Gabi Dok'.

Ilan sa mga halimbawa nito ay diabetes, hypertension, cardiovascular diseases, allergic conditions, asthma, psoriasis, cancer, at iba pa.

Sa mga halimbawang ito, binanggit ng doktor na isa sa mga sakit na mapanganib ay ang diabetes dahil sa dami ng komplikasyon nito.

Ayon pa kay Bernardo, mas dumarami na ngayon ang nagkakaroon ng NCD bagaman hindi nakahahawa, base sa pananaliksik.

Dapat aniyang pagtuunan ito ng pansin dahil karaniwan itong nangangailangan ng habambuhay na gamutan at puwedeng magresulta sa pagkamatay kapag hindi natugunan. 

Maaari ring magsimula ang sakit habang bata pa lamang dahil sa maling pagpili ng pagkain tulad ng junk food.

Mensahe ng doktor sa mga magulang, tutukan ang kinokonsumo ng inyong anak upang masigurong balanse ang nutrisyon na nakukuha ng mga ito habang bata pa.